Taktikang pandigma ng 1896 Revolution, PH-American War tampok sa exhibit

Inilunsad ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang isang travelling exhibit na nagtatampok sa mga taktikang pandigma noong Rebolusyon ng 1896 at Philippine-American War.

Unang matutunghayan ito sa Museo ni Marcelo H. Del Pilar na nasa bayan ng Bulakan sa Bulacan na tatagal hanggang Enero 31, 2024.

Ayon kay NHCP Supervising Historic Sites Development Officer Bryan Anthony Paraiso, bahagi ito ng mga gawain mula 2023 hanggang 2026 upang mas makabuluhang maipagdiwang at maalala ang Ika-125 Taon ng Kalayaan at Pagsasabansa ng Pilipinas bilang isang Republika.

Pinamagatan ang nasabing eksibisyon na “When Tables are Turned” kung saan nagpasadya ang NHCP ng literal na isang bilog na lamesa na nabubuksan ang hapag at ang mga tagiliran nito.

Nasa loob ng lamesa ang mga diorama na nagpapakita ng paggamit sa topograpiya o sa mga anyo ng lupa bilang taktika sa pakikipaglaban gayundin ang heograpiya o ang lokasyon ng pinaglabanan.

Ipinaliwanag ni Museo ni Marcelo H. Del Pilar curator Alex Aguinaldo na kinonseptong ilagay sa literal na lamesa ang eksibisyon dahil nabuo ang mga plano at taktika sa pakikidigma sa ibabaw rin ng isang lamesa kung saan nagpulong ang mga pinuno ng rebolusyon.

Kabilang sa mga laman ng lamesa ang mga diorama na bahagi ng Rebolusyon ng 1896 laban sa Espanya ay ang sa Labanan sa Cacarong de Sili sa bayan ng Pandi sa Bulacan sa ilalim ni Eusebio Roque na kilala bilang Maestrong Sebio.

Sa labanang ito, pinapatunayan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagagamit na pabor upang manalo sa laban.

Nandiyan din ang Labanan sa Binakayan sa Kawit, Cavite sa pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo at ang mga nangyari sa kweba ng Biak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan.

Para sa mga yugto na bahagi naman ng Philippine-American War, matutunghayan ang mga diorama na may kaugnayan sa Labanan sa Pasong Tirad sa pangunguna ni Gregorio Del Pilar.

Ipinapakita naman sa Labanan sa Montalban kung papaano napatay ng mga Katipunero ang isang mataas na opisyal ng pwersang Amerikano na si Major General Henry Ware Lawton.

Naging pabor sa mga Katipunero ang noo’y masukal na lambak ng Montalban at San Mateo na ngayo’y nasa lalawigan ng Rizal. 

Tampok din ang pagtawid sa ilog Marikina ng Morong Command sa pangunguna ni Heneral Licerio Geronimo.

Nakatakda ding dalhin ang naturang exhibit sa mga susunod na buwan sa Museo ng Republika ng 1899 na nasa simbahan ng Barasoain at sa Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas sa Casa Real de Malolos. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews