DRT-Dingalan Bypass road sinisimulan 

Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sinisimulan na ang konstruksyon ng Doña Remedios Trinidad- Dingalan Bypass Road project na maghahatid ng karagdagang pag-unlad sa ekonomiya sa tatlong lalawigan sa Central Luzon.

Sinisimulan na ang konstruksyon nito sa bahagi ng Barangay Kalawakan, Doña Remedios Trinidad (DRT) sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3 Office, ito ay 67.93-kilometer bypass road na kokonekta mula sa bayan ng DRT at San Miguel sa Bulacan, sa General Tinio sa Nueva Ecija hanggang sa Dingalan sa Aurora.

Sinabi ni Engr. Melquiades Sto. Domingo, Assistant Regional Director ng DPWH Region 3 Office, may initial na P200-milyon budget ang inilaan sa unang 4.33 km ng 19.27 km sa DRT section at ang kabuuang pondo nito ay nasa P7.4-bilyon na manggagaling sa national government.

Nabatid na ito ay sa inisyatibo ni Bulacan Third District Rep. Lorna SIlverio upang maisakatuparan ang naturang proyekto kung saan sinisimulan na ang konstruksyon nito.

Isinagawa ang groundbreaking nito noong Pebrero 1, 2024 sa pangunguna nina Cong. Silverio, ARD Sto Domingo, Bulacan Sub-District Engineer Ruben Santos, at Assistant District Engineer Edgardo Pingol.

“This project aims to address transportation challenges, enhance access to tourism destinations, and stimulate economic development and agricultural activities across these provinces,” wika ni Engr. Sto. Domingo.

Ayon kay Silverio, mula sa 300 kilometers kung sa DRT Highway dadaan (San Miguel-Nueva Ecija-Aurora) ay iigsi na lamang ito sa 68 kilometers.

“Makikinabang sa road network ay ang mga munisipalidad San Miguel at DRT sa Bulacan, Gen. Tinio (Papaya) Nueva Ecija at Dingalan sa Aurora na makakatulong din para mapaunlad ang economic development,  agricultural activities dito, at maging sa pagpapalakas ng mga tourist destinations,” ani Silverio.

Dagdag pa ng mambabatas na kahit walang dagat ang Bulacan, dahil sa proyektong ito ay malalapit na ang probinsiya sa Pacific Ocean na nasa bahagi ng Dingalan.

Ang full completion ng DRT-Dingalan Bypass Road ay inaasahang matatapos sa taong 2029 kung saan ‘phase by phase’ ang isasagawang konstruksyon sa bawat lalawigan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews