Aabot sa 282.02 milyong metro kubiko ng burak, putik at basura ang target alisin ng pamahalaang panlalawigan sa limang katubigan sa Bulacan.
Kabilang na riyan ang Angat, Malolos-Kalero, Pamarawan, Malolos-Pamarawan channel, at sa Offshore Delta Bulacan o sa dalampasigan ng lalawigan mula Obando hanggang Calumpit sa Manila Bay.
Iyan ang iniulat ni Gobernador Daniel Fernando matapos ang ginawang sub-surface soil investigation, geological exploration at geotechnical investigation sa nasabing mga anyong tubig.
Taong 2020 nang aprubahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dredging permit at clearances ng Torejas’s Construction Supply Corporation (TCSC) para sa Bulacan-Wide Flood Control & River Restoration Project ng pamahalaang panlalawigan.
Ito ang kinatulong ng Bulacan Inter-Agency Committee for River Restoration Program na binuo ng gobernador alinsunod sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Department Administrative Order (DAO) No. 2020-07.
Tiniyak ni DENR Bulacan Provincial Environment and Natural Resources Officer Emelita Lingat na nasunod nang maayos ng Kapitolyo ang pagtalima sa naturang DAO kaugnay ng Rationalization Dredging Activities in Heavily Sited River Channels.
Ibig sabihin, ipinapaubaya na sa mga pamahalaang lokal ang pagpapatupad na mapalalim ang mga anyong tubig sa kani-kanilang nasasakupan basta’t walang gagastusin ang pamahalaan.
Ayon naman kay DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, pagpapatunay ang proyektong ito na nagkakatulungan ang pamahalaang nasyonal, pamahaalang panlalawigan at pribadong sektor para sa mas pinaigting na pagtugon na mabawasan ang pagbabaha at mapabilis ang paghupa nito.
Sasabayan aniya ito ng DPWH ng tuluy-tuloy na pagkokongkreto ng mga dike sa mga riverbanks o tabing ilog at mga gilid ng sapa.
Ito’y upang hindi mapunta sa mga pinalalim na anyong tubig ang mga lupa sa magkabilang panig nito.
Lumalabas sa ginawang pag-aaral ng TCSC sa nakalipas na apat na taon na aabot sa apat na kilometro mula sa dalampasigan ng Bulacan ang bumabaw na.
Ito’y dahil nasa 20 metrong kapal ng mga putik at burak na may kasamang mga basura ang nakabara sa nakalipas na ilang dekada.
Ipinaliwanag ni TCSC Vice President for Mining and Dredging Bernie Pacheco na pinakamaraming huhukayin sa ilog ng Malolos-Kalero na nasa 139 milyong metro kubiko ang burak, putik at basura.
Nasa 80.4 milyong metro kubiko naman sa ilog Angat, 40.7 milyong metro kubiko sa Malolos-Pamarawan Channel, 13 milyong metro kubiko sa Offshore Delta Bulacan, at 8.7 milyong metro kubiko sa ilog Pamarawan.
Ang water jet suction na uri ng draga o dredger na gagamitin dito ay kayang makapahakot ng 200 metro kubiko ng mga putik, burak at basura kada araw.
Katumbas ito ng nasa 1,506 na mga backhoe para sa dredging na gagawin sa loob ng tatlong taon.
Ngayong natapos na ang sub-surface soil investigation, geological exploration at geotechnical investigation sa nakalipas na apat na taon, sisimulan na ang pagpapalalim muli sa nasabing mga kailugan.
Target mapalalim pa sa 4.4 metro ang ilog Angat, isang metro ang ilog ng Pamarawan, at 7.07 metro ang ilog ng Malolos-Kalero.
Hindi gumugol ang pamahalaang panlalawigan ng kahit magkanong halaga para sa proyekto kundi madadagdagan pa ang kaban ng Kapitolyo.
Binigyang diin ni Gobernador Fernando na minarapat ng pamahalaang panlalawigan na tanggapin ang alok ng naturang kumpanya dahil bukod sa malaki ang matitipid ng pamahalaan, magkakaroon pa ng kita ang Kapitolyo mula sa 10 porsyento na extraction fee at limang porsyento na environmental monitoring fee.
Iba pa rito ang apat na porsyento na national excise tax na ibabayad sa pamahalaang nasyonal.
Tinatayang aabot sa P3 bilyon kada taon ang maipapasok na pondo nito sa kaban ng bayan.
Ang makukuhang mga putik, burak at buhangin ay ipagbibili sa mga aprubadong land development at reclamation projects sa Metro Manila.
Maari rin itong magamit sa iba pang development projects gaya ng pagpapagawa ng isang international port at pagtatayuan ng mga off-shore windmills sa dalampasigan ng lalawigan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)