Magkakaroon na ng sariling Mobile Command and Control Vehicle (MOCCOV) ang lalawigan ng Nueva Ecija.
LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Magkakaroon na ng sariling Mobile Command and Control Vehicle (MOCCOV) ang lalawigan ng Nueva Ecija.
Ito ay matapos ipagkaloob ng Department of Science and Technology (DOST) ang tseke na nagkakahalaga ng P16.8 milyon sa pamahalaang panlalawigan na ilalaan sa pagbili nito.
Ayon kay DOST Provincial Director Leidi Mel Sicat, ang MOCCOV project ay inisyatibo ng ahensya sa ilalim ng Community Empowerment thru Science and Technology program, katuwang ang opisina ni Senador Joel Villanueva na may layuning lalong mapatatag ang disaster rescue operations sa mga lokal na pamahalaan.
Nakapaloob sa proyektong ito ang mga kagamitan para makatulong sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Office nang masigurong hindi maaantala ang kanilang operasyon sa panahon ng kalamidad.
“Hindi lamang ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ang makikinabang sa programang ito, maging ang mga munisipalidad at lungsod sa lalawigan, gayundin ang iba pang mga karatig lugar na maaaring gumamit nito upang tumugon sa panahon ng kalamidad o sa oras ng pangangailangan,” giit ni Sicat.
Dagdag pa niya, bukod sa pagtugon sa mga sakuna ay maaari ding gamitin ang MOCCOV sa pagdaraos ng mga malalaking okasyon sa lalawigan bilang pang-antabay sa mga biglaan o hindi inaasahang sitwasyon.
Ang MOCCOV ay mayroong communication and surveillance device, weather monitoring system, drone, portable rescue boat, medical triaging room, at iba pang mga kagamitang pangresponde.
“Sa nilalaman ng proyekto ito, tulad ang pagkakaroon ng digitalized at real-time monitoring ay makikita agad ang sitwasyon sa mga lugar na apektado ng kalamidad, na kung saan malaking tulong para sa pagsasagawa ng disaster response at relief operations,” dagdag ni Sicat.
Ayon kay Sicat, patuloy na nakagabay ang DOST sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija para sa procurement at operasyon ng MOCCOV.
Magsisilbing bahagi ng Kapitolyo sa proyekto ang maintenance, maayos na paglalagyan at pagtatalaga ng mga tauhan na mangangasiwa sa MOCCOV. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)