‘Project: Ligaya’ inilunsad ng Taiwanese community sa Bulacan

Isang makabuluhang charitable event na “Project: Ligaya” ang inorganisa ng mga Taiwanese community kung saan mga bahay ampunan sa lalawigan ng Bulacan ang mga beneficiaries ng kanilang programa na ginanap sa Barangay Bonga Menor sa bayan ng Bustos noong Sabado, Hulyo 6, 2024.

May temang “Bring Happiness from Taiwan to Bulacans’ children” ang First Project: Ligaya ay naghatid ng biyaya at saya sa 200 bata mula sa limang bahay ampunan na bahagi ng kanilang programang palakasin ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng Taiwan.

Ito ay pinangunahan ni Ms. Shirleen Hsieh, isang delegado para sa 2024 International Youth Goodwill Ambassador ng Overseas Community Affairs Council (OCAC).

Sinabi ni Hsieh na bukod sa pagpapalaganap ng pagmamahal at kawanggawa, ang matagumpay na pagpapalitan ng kultura ay naglalayon din na isulong ang kultura ng Taiwan sa mga bata at ilantad sila sa ibang karanasan.

Malugod naman ang pagtanggap ng mga bata kay Minister Dustin Yang ng Representative ng Taipei Economic and Cultural Office in the Philippines (TECO) na siyang guest speaker.

Binigyang-diin ni Yang ang kahalagahan ng pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng Taiwan at Pilipinas at nagpahayag ng pag-asa na ang mga bata ay magkakaroon ng pagkakataong makapag-aral o magtrabaho sa Taiwan sa kanilang pag-laki.

Ang proyektong ito ay pinagsama-samang inorganisa ng ilang kilalang organisasyon, tulad ng Taiwan Association Philippines (TAP), Valenzuela Host Lions Club, Taiwanese Compatriot Association in the Philippines (TCAP), Taiwan Manufacturers Association of the Northern Philippines, Taiwan – Philippines Education Foundation, Taiwan Association Philippines Youth Chapter (TAPYC), at Thick and Thin Agri-Product Inc. (Atlas Feeds).

Sinabi ni Hsieh na ang mga benepisyaryo na bahay ampunan ay mga bata mula sa Willing Hearts Orphanage, Inc., Bethany House Sto. Nino Orphanage, Philippine Children’s Mission, Bahay at Yaman ni San Martin De Porres Inc., at Nazareth Home for Children.

Nakatanggap ang bawat ampunan ng P50K, bigas, electric fan, insect repellant, toiletries’ at laundry detergents.

Ang buong araw ng event aypuno ng mga tradisyonal na aktibidad ng Taiwan at tinuruan kung paano gumawa ng mga Taiwanese lantern at nakatuon sa paglalaro ng tipikal na Taiwanese night market games.

Naghain din ng mga Taiwanese snack, para matikman ng mga bata ang mga sikat na meryenda na inaabangan ng karamihan sa pagpunta sa Taiwan.

Ipinakilala rin sa mga bata ang mga laruang pangkultura ng Taiwan. 

Ang layunin ng kaganapang ito ay itaguyod ang kultura ng Taiwan, sa pamamagitan ng paglikha ng malalim na impresyon sa mga bata, na hinihikayat silang isaalang-alang ang edukasyon at mga oportunidad sa trabaho sa Taiwan.

“Sa pamamagitan nito ay matutulungan ang mga batang Pilipino na bumuo ng mas maliwanag na kinabukasan,” sabi ni Hsieh.

Dumalo rin sa pagdiriwang kasama ang mga bata sina Manila Economic Cultural Office (MECO) Director Tomas M. Guno at mga kinatawan mula sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan at local government unit mula sa bayan ng Bustos.

Ang tagumpay ng First Project: Ligaya ay naging posible sa pamamagitan ng mapagbigay na kontribusyon ng halos 80 Taiwanese donor mula sa buong mundo, kasama ang dedikadong pagsisikap ng 100 boluntaryo mula sa Taiwanese community na naninirahan sa Pilipinas.

Ang kaganapang ito ay hindi lamang nagbigay ng kagalakan at pagpapayaman sa kultura sa mga bata ngunit pinatingkad din ang diwa ng pagtutulungan at mabuting kalooban sa pagitan ng mga pamayanang Taiwanese at Filipino.

Nagpaabot naman si Hsieh ng kaniyang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga nag-ambag, umaasa na ang Project: Ligaya ay higit na magbigay ng inspirasyon upang magkaroon ng mga ganitong hakbangin sa hinaharap.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews