Ano na naman itong napapabalita na made-delay ang expansion ng existing Clark International Airport Terminal dahil pinagaaralan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga ‘unsolicited proposals’ sa pag develop ng paliparan.
Bakit pa ipapagpaliban ang development ng Clark airport samantalang nandiyan na ang P2.89 bilyong budget para sa panibagong airport na dinisenyo ng mga Pranses – Aeroports De Paris? Sa wari ko, ang mga options na pinag aaralan ng Duterte administration ay magpapabagal lamang sa development ng airport.
Napakatagal na ang panawagan para sa full development ng Clark airport. Tila nawalan na rin ng boses ang mga dating advocates ng airport maliban kay businessman Ruperto Cruz ng Pinoy Gumising Ka Movement (PGKM).
And disenyo ng Aeroports de Paris ay pinagwalang bahala ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa kadahilanang ito raw ay napakalaki para sa Clark. Sa ilalim ng Aquino administration hindi naitaguyod ang development ng Clark airport ngunit may positibo naman itong ambag dahil mayroon nga itong nakalaang budget. Ang proposed na disenyo ng Clark airport ay maaring mag accommodate ng 3 million passengers.
Nasaan na kayong mga advocates ng Clark airport? Bakit hindi kayo magsalita ngayon?
Ang P2.89 bilyong budget para sa Clark airport ay nakapaloob sa General Appropriation Acts (GAA) ng 2015 at 2016. Ang budget na ito ay ibabalik sa National Treasury kung hindi gagamitin sa Clark airport.
Ayon pa kay DOTr spokesperson Cherie Mercado pinagaaralan pa ang mga unsolicited proposals para sa development ng Clark airport. Sus ginoo, kailan na naman kaya matatapos ang pagbubusisi sa mga unsolicited proposals na ito?