DTI: Produktong Likha ng Central Luzon ihahanda na ma-export sa Amerika 

Kapiling ni Department of Trade and Industry OIC-Regional Director Edna Dizon (kanan) ang isa sa mga delegado ng trade mission ng Filipino-American Chamber of Commerce of Greater Houston na nakabase sa Texas, Estados Unidos na nagpahayag ng interes na umangkat ng mga produktong Likha ng Central Luzon. (Larawan mula kay DTI OIC-Regional Director Edna Dizon)

Tututukan ng Department of Trade and Industry (DTI) na matiyak na maihandang mai-export sa Estados Unidos ang mga produktong Likha ng Central Luzon.

Ito’y matapos kumita nang higit pa sa inaasahan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na lumahok sa katatapos na ika-26Likha ng Central Luzon Trade Fair sa SM Megamall sa lungsod ng Mandaluyong.

Sa isang pagbisita sa Bulacan, iniulat ni DTI OIC-Regional Director Edna Dizon na umabot sa P47.597 milyon ang kinita ng nasa 150 na mga MSMEs na lumahok sa naturang trade fair na idinaos mula Oktubre 16 hanggang 20.

Bukod sa mas mataas ito sa target na P25 milyong halaga ng benta noong 2023, nalampasan din nito ang target na P31 milyon para sa 2024 edition ng Likha ng Central Luzon Trade Fair. 

Asahan aniya na mas lalaki pa ito ngayong may malalaking buyers mula sa Amerika ang nagpahayag na mag-aangkat ng mga produktong Likha ng Central Luzon. 

Ito ay resulta ng isang trade mission na inorganisa ng Filipino-American Chamber of Commerce of Greater Houston na bumisita at nakipag-ugnayan sa nasabing trade fair. 

Aniya, makakapagbukas ito ng malaking ng opportunidad na makapag-export sa Texas at mga kalapit na estado. 

Pangunahin nilang interes na mga produkto ang mga kulang na suplay ngayon sa mga supermarkets sa Estados Unidos tulad ng tropical fruits, processed at fresh fish, vegetables, meat at mga pampalasa o spices. 

Sinabi pa ni Dizon na magandang panimula ito ngayong nakalatag ang isang negosasyon para makalahok ang Pilipinas sa Indo-Pacific Economic Framework na pinangungunahan ng Amerika.

Ipinahayag ni  Philippine-American Chamber of Commerce and Industry convenor Noemi Frias na ang inisyatibong ito ay paghahanda na rin sa isinusulong na magkaroon ng bagong free trade agreement ang dalawang bansa sa malapit na hinaharap.

Kaugnay nito, positibo naman ang pananaw dito ng mga MSMEs na makapag-export sa Amerika.

Para sa may-ari ng Pulilan Handicraft na si Norma Castro, patunay aniya na hindi nauubos ang oportunidad sa mga produktong tropical dahil tiyak na patok sa mga malalamig na kanluraning bansa.

Kabilang sa mga export-quality niyang mga produkto ang mga handicrafts na gawa sa rice straw, coco coir, abaca fiber at corn husk. 

Tiniyak ni Dizon na patuloy na aagapay ang DTI sa mga MSMEs sa pagtalima sa mga rekisito upang makapasa sa pamantayan ng naturang bansa sa aspeto ng pagluluwas ng mga produkto. 

Ang ikakatagumpay aniya ito ay makakapag-ambag sa pagsasakatuparan na malago ang export sector sang-ayon sa 2023-2028 Philippine Export Development Plan na binalangkas at inapruba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews