Tradisyunal na ‘Karatig’ dyip tourist shuttle na sa Malolos

Ito ang dyip na “Karatig” na bumibiyahe sa kalungsuran ng Malolos. Nagsisilbi na itong tourist shuttle na bahagi ng “Vamos A Malolos” tourism campaign ng pamahalaang lungsod bilang suporta sa Philippine Experience Program ng Department of Tourism. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS – Nagsimula nang maghatid-sundo ng mga turista ang pamosong “Karatig” na isang tradisyunal na dyip na tanging sa Malolos, Bulacan lamang nakikita na bumibiyahe. 

Maigsing bersiyon ito ng dyip na alanganing “owner-type” at jeepney na karaniwang yari sa stainless at pilak na bakal ang kaha. 

Ayon kay City of Malolos, Arts, Culture, Tourism and Sports Office Spokesperson Jose Roly Marcelino, tinawag itong “Karatig” dahil bumibiyahe ang mga naturang sasakyan  mula sa kabayanan ng Malolos patungo sa mga karatig barangay o magkakalapit na mga lugar sa lungsod. 

Bahagi ang paggamit sa mga “Karatig” sa “Vamos A Malolos” tourism campaign ng lokal na pamahalaan. 

Maraming pakinabang aniya ang inisyatibong ito tulad ng pagkakaroon ng mas malaking kita para sa mga tsuper at pagiging atraksiyon sa mga turista.

Makakatulong din aniya ito para makabawas sa masikip na daloy ng trapiko dahil hindi na kailangang pumasok ng malalaking bus sa mga destinasyon mula sa Barasoain, Kamistisuhan District at Katedral-Basilika kung saan mararanasan ang buhay, kasaysayan at kultura noong panahon ng Unang Republika ng Pilipinas. 

Ang sistema, iiwan ang mga bus o mga sasakyang dala ng turista sa Malolos City Government Center at doon pasasakayin sa mga Karatig upang madala sa nasabing mga destinasyon. 

May inisyal na 10 “Karatig” mula sa tinatayang nasa mahigit 100 na aktibong yunit ang inisyal na kalahok sa proyekto. 

Kaugnay nito, ang mga tour packages sa ilalim ng “Vamos A Malolos” campaign ay kasama na sa mga iniaalok ng Department of Tourism sa pamamagitan ng Philippine Experience Program. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews