P15-M LDRRM Fund ng Bulacan para sa nasalanta ng bagyo

Ipinapakita ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Head Manuel Lukban ang mga naging pinsala ng nakaraang bagyong Kristine sa pamamagitan ng modernong pasilidad ng Bulacan PDRRMO Command Center sa lungsod ng Malolos. (PIA Region 3 file photo)

LUNGSOD NG MALOLOS – Aprubado na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang paglalaan ng halagang P15 milyon mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund upang patuloy na maagapayan ang lubos na pagbangon ng mga magsasaka na nasiraan ng tanim at mga nawasak na tirahan noong nagdaang mga bagyong Carina at Kristine.

Sa loob ng nasabing halaga, P12 milyon ang inilaan para sa pagbili ng 270 bote ng Organic Plant Supplements na ipamamahagi sa 1,085 na mga benepisyaryong magsasaka.

Sinabi ni Provincial Agriculturist Gloria Carillon na dahil sa pagkakaloob ng nasabing mga Organic Plant Supplements, hindi na gagastos ng halagang P11,000 ang bawat magsasakang benepisyaryo at mailalaan ang sariling pera sa iba pang pangangailangan sa sakahan at sa pamilya.

Malaking bagay aniya ang tulong na ito upang matiyak na magiging tuluy-tuloy na ang ganap na pagbangon ng mga magsasaka at mas matutukan ang produksiyon ng pagkain partikular ang bigas.

Napapanahon ito ngayong nahaharap muli ang bansa sa La Niña simula sa unang bahagi ng taon base sa ulat ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Head Manuel Lukban.

Ang halagang P3 milyon naman ay ilalaan para sa pagkakaloob ng mga construction materials sa mga pamilyang labis na napinsala o nawasak ang tirahan. 

Base sa tala na prinisinta ni Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena Tiongson, aabot sa 837 na mga nasirang kabahayan ang tutulungang makumpuni o magawa.

Sa loob ng bilang na ito, 579 na mga bahay ang nasira ng bagyong Carina at 258 naman noong bagyong Kristine.

Kaugnay nito, pormal nang isinumite ng Kapitolyo ang kahilingan kay Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian para sa pagkakaloob ng Assistance for Individuals in Crisis Situations sa mga pamilyang nasira ang tirahan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews