Naglabas ng Warrant of Arrest noong Ika-14 ng Pebrero 2022 si Presiding Judge Amelita Cruz Corpuz ng Regional Trial Court Branch 96 ng Dinalupihan, Bataan para sa agarang pagdakip kay Atty. Beulah Coeli C. Fiel, Presidente ng Econest Waste Management Corp. na naging operator ng Hermosa Sanitary Landfill sa Hermosa, Bataan.
Ito ay bunsod ng kasong kriminal na isinampa ng Pamahalaang Bayan ng Hermosa laban kay Atty. Fiel hinggil sa paglabag nito diumano sa Section 13 ng Republic Act 6969 o ang “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990”.
Ang reklamo ay may kaugyanayan sa mga “toxic and hazardous materials” na tinanggap di umano sa Hermosa Sanitary Landfill ng naturang operator matapos ang ilang inspeksyon na ginawa ng Environmental Management Bureau ng DENR (EMB-DENR) kung saan nauna nang ipinag-utos ng EMB-DENR sa Econest Waste Management Corp. na i-rehabilitate ang nasabing landfill at ibalik sa dati nitong estado at magbayad ng multang administratibo sa halagang P150,000.00.
Hanggang sa kasalukuyan ang kasong administratibo na ito ay ini-apela pa ng Econest sa DENR.
Ayon naman sa Warrant of Arrest ng korte, ang piyansang inirekomenda ay nagkakahalaga ng P120,000.00 at ang kaparusahan naman sa nasabing krimen kung mahahatulan sa paglabag ay pagkakakulong ng 12 taon at isang araw hanggang 20 taon.