Pinasinayaan ni Senator Joel Villanueva ang mga payout ng sweldo at financial assistance sa mahigit 2,500 beneficiaries mula sa emergency employment at ayuda programs sa bayan ng Bocaue nitong Miyerkules, Nob. 24.
Ang nasabing aktibidad ay kasabay sa paggunita ng kaarawan ng yumao niyang kapatid na si Mayor Joni Villanueva kung saan sinamahan din ang senador ng kaniyang kapatid na si former Mayor Jon-Jon Villanueva at bayaw nito na si dating CIBAC Party-List Congressman Sherwin Tugna at ang buong grupo ng Team Solid.
Nabatid na umabot sa 1,281 beneficiaries ang tumanggap ng ayuda mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) payout na ginanap sa Lolomboy Elementary School.
Kasabay rin nito ang payout sa 1,276 na manggagawa sa ilalim naman ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) emergency program na isinusulong ni Senator Villanueva na maging ganap na regular na programa ng gobyerno.
naging maiinit naman ang pagtanggap ng mga Bocauenos kay Sen. Villanueva at labis na nagpasalamat sa hatid nitong biyaya bilang maagang pamasko.