‘AIRTIP’ sinoportahan ni Fernando

LUNGSOD NG MALOLOS – Lumagda si Gob. Daniel R. Fernando sa isang kasunduan para sa Anti-Illegal Recruitment Trafficking in Persons (AIRTIP) kasama ang Department of Labor and Employment, Philippine Overseas Employment Administration, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority, League of Municipalities, at OFW Family Circle Federation of Bulacan na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kamakailan.

Laman ng nasabing kasunduan ang 1) Pinalakas na mga AIRTIP seminar; 2) Pagbuo ng technical working group; 3) Pagtatalaga ng OFW Help Desk sa bawat bayan sa ilalim ng kani-kanilang Public Employment Service Office; at 4) Pagkakaroon ng pinagsama-samang programa mula sa DOLE, OWWA at TESDA sa bawat bayan sa pamamagitan ng one-stop shop desk.

“We take AIRTIP seriously. Maliban sa pagbababa ng mga seminar, nais po nating tiyakin na AIRTIP free ang Bulacan, na walang Bulakenyong maloloko ng mga illegal recruiter,” ani Fernando.

Bago nito, ginanap din ang Araw ng Parangal ng Regional Marilag Awards 2021 para sa Region 3 kung saan pinarangalan sina Elizabeth Paglinawan mula sa Mariveles, Bataan; Lolita Gattuc mula sa Tarlac at Priscilla Cruz mula sa Norzagaray, Bulacan para sa kategoryang Woman Who Inspires, Woman Who Empowers at Woman Who Makes Change ayon sa pagkakasunud-sunod at tumanggap ng plake ng pagkilala at perang insentibo mula sa gobernador.  

“Nasaksihan din natin kung paano nagsakripisyo ang mga babaeng Pilipino sa pagtugon sa suliraning dala ng COVID-19, ang mga frontliner para sa maagap na serbisyo sa mga mamamayan, maging sa ibang bansa. Kami po ay sumasaludo sa inyong mga kababahihan, patuloy sana kayong magbigay ng inspirasyon sa ating mga kapwa Pilipino,” anang gobernador.

Bukod dito, ipinamahagi din ng OWWA ang tseke na nagkakahalaga ng P250,000 para sa gamit na pangnegosyo sa OFW Family Circle Brgy. Longos, Lungsod ng Malolos, Bulacan sa ilalim ng Tulong Pangkabuhayan sa Pag-unlad ng Samahang OFWs (Tulong PUSO).

Gayundin, tumanggap ng tseke na may magkakaibang halaga ang iba pang mga benepisyaryo kabilang ang 44 katao para sa Balik Pinas! Balik Hanapbuhay! Program;24 para sa Tabang OFW; pito para sa OWWA scholarship; lima para sa OWWA bereavement/medical assistance; at dalawa para sa Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir´ (SPIMS).

Nagpasalamat naman si OWWA Deputy Administrator for Reintegration Faustino Sabares III sa pagtanggap ni Fernando sa kanyang hiling na sa Bulacan ganapin ang parangal at sa pagsuporta nito sa proyektong Balay OFW kung saan nagkaloob ito ng bahagi ng lupang pagmamay-ari ng kanyang pamiya na magbibigay ng pagkakataon sa mga OFW na magkaroon ng sariling bahay.

Samantala, kinilala naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagmitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office ang mga Dakilang Filipina para sa kategoryang PESO Manager sina Emelita San Agustin mula sa Guiguinto; Laarni de Leon ng Bustos; Maricris Co mula sa Calumpit; Josefina Geslani mula sa Lungsod ng Meycauayan; Miriam Balboa ng Marilao; Alma Buhain ng Plaridel; Regina Go mula sa Pulilan at Elvie Cruz ng Santa Maria habang kinilala naman si Vilma Santos ng Balagtas para sa kategoryang OFW Family Circle President. Lahat sila ay tumanggap ng plake ng pagkilala at perang insentibo.

Ibinibigay ang Marilag Award upang bigyang pagkilala ang mga tagumpay at natatanging nagawa ng mga kababaihang manggagawang migrante at babaeng kawani ng OWWA. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews