Tatlo katao kabilang ang isang Social Amelioration Program (SAP) beneficiary ang nasawi habang walo ang sugatan sa magkakahiwalay na road accidents sa Lungsod ng San Jose Del Monte at Meycauayan nitong Lunes at Martes sa lalawigan ng Bulacan.
Sa City of San Jose Del Monte (CSJDM), isang dump truck ang nawalan ng kontrol at sinuro ang mga nakapilang mga Social Amelioration Program (SAP) beneficiaries para kumuha ng financial assistance mula sa pamahalaang lungsod na nagresulta ng pagkasawi ng isa sa mga benepisyaryo nitong Martes ng umaga.
Base sa panimulang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-7:40 ng umaga sa gilid ng pamahalaang gusali ng CSJDM sa St. Ignacio street sakop ng Barangay Poblacion habang ang mga nabanggit na SAP beneficiaries ay nakaupo at nakapila sa isang tent upang kumuha ng ayuda mula sa pamahalaang lokal.
Nakilala ang mga nasawi na sina Herminio Gerona, 57, ang truck driver at si Annalyn Sumooc, 54, isang SAP beneficiary.
Nabatid na habang minamaneho ni Gerona ang naturang dump truck ay bigla itong inatake sa puso hanggang sa himatayin kung saan dumeretso ang rumaragasang truck sa tent kung saan nakaupo ang mga biktima.
Isa na rito napuruhan si Sumooc na nagtamo ng multiple rib fracture at kalaunan ay namatay sa hospital habang nilalapatan ng lunas. Dead on arrival naman ang driver na si Gerona. Sugatan din sina Ronilo Navarro Jr., 31; Mario dela Rosa, 58; Mary Rose Eustaquio, 29, and Cecila Beramo, 57.
Ayon kay City Administrator Dennis Booth ang truck ay pag-aari ng pamahalaang lungsod na papunta sana sa Motor Pool sa Barangay Dulong Bayan nang mangyari ang trahedya.
Sasagutin naman ni City Mayor Arthur Robes sa kaniyang pahayag ang lahat ng gastusin na kakailanganin ng mga biktima kabilang na ang burial at hospitalization.
Samantala sa Meycauayan City, isa namang siklista ang nahati ang katawan at namatay makaraang masagasaan at nakaladkad ng isang rumaragasang AUV kung saan apat din ang sugatan sa naganap na aksidente sa Barangay Saluysoy Lunes ng hapon.
Nakilala ang nasawing biktima na si Tani Cruz, 40, single at residente ng No.659, Sulok street, Barangay Saluysoy Meycauayan City.
Sugatan naman ang mga biktimang sinas Fernando Dela Cruz, 30, ng Barangay Lias, Marilao; Paul John Balba, 30, jobless, residente ng Arkong Bato Valenzuela City; Jomar Serrano, 30 ng Barangay Bayugo Meycauayan City at Mae Solera, 23 ng Barangay Salusoy.
Ang sasakyang nakasagasa ay isang Mitsubishi Adventure, color red with Plate no. ZKX 667 at minamaneho ni Ildefonso Magkasi, married, former barangay captain at nakatira sa 94 Villano St. Zamora Meycauayan City, Bulacan. Kasalukuyan siyang nakapiit ngayon sa Meycauayan City Police Station.