Aktibidad ng Kapitolyo ng Bulacan, nakakolekta ng 210 bags ng dugo

LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot sa 210 bag ng dugo ang nakolekta sa katatapos na mobile blood donation activity ng Damayang Filipino Movement Inc. katuwang ang pamahalaang lalawigan ng Bulacan.

Nagtitimbang ng 450ml ang bawat isa na nakolekta mula sa mga estudyante, guro, empleyado ng pamahalaan panlalawigan at iba pa na pakikinabangan ng Bulacan Provincial Blood Center.

Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando,maituturing na makabagong bayani ang mga ito sapagkat ang pagbibigay ng dugo ng walang hinihinging kapalit ay gawi ng isang marangal na mamamayan.

Hinikayat din ng gobernador ang lahat na patuloy sa kabayanihan at pagliligtas ng buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng dugo.

Ayon sa Philippine Red Cross-Bulacan, maaaring makatulong sa tatlo o apat na indibidwal ang isang bag ng dugo. Kabilang sa mga magbebenipisyo dito ang mga pasyenteng nakararanas ng severe blood loss, may leukemia, hemophilia, mga nanganak na may komplikasyon, pasyenteng mayroong major trauma, at transplant patients.

Dagdag naman ng Provincial Health Office na magbebenepisyo rin ang mga blood donor sapagkat bago sila kunan ng dugo, nagsagawa muna ng libreng check-up kung saan kinuha ang kanilang temperatura, pulso, blood pressure, at hemoglobin levels. 

Bukod pa dito, nakababawas din sa posibleng pagkakaroon ng sakit sa puso, at makaiwas sa pagkakaroon ng cancer. Prayoridad din ang mga ito sakaling sila naman ang mangailangan ng dugo.

Umabot sa 789 potential blood donors ang boluntaryong nakibahagi sa nasabing aktibidad bilang pakikiisa sa National Blood Donors Month. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews