CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga (PIA) — Pinangunahan ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos ang paglalagak ng panandang bato bilang hudyat ng aktuwal na pagsisimula ng konstruksiyon ng Clark Multi-Specialty Medical Center (CMSMC).
Isa itong prayoridad na proyektong pangkalusugan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa bisa ng Republic Act 11959 o ang Regional Specialty Centers Act.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, layunin nito na mas maabot ang karaniwang mga mamamayan saan mang panig ng bansa na nangangailangan ng agarang lunas sa kanilang mga sakit sa puso, baga, bato at iba pang serbisyong medikal na hindi na kailangang lumuwas sa Metro Manila.
Matatandaan na nagsagawa ng site inspection si Pangulong Marcos sa 5.7 ektaryang pagtatayuan ng CMSMC sa may Prince Balagtas Avenue, Clark Freeport Zone noong Hulyo 2023.
Dagdag pa ni Herbosa, isa lamang ang Clark sa 300 lugar na target ng pamahalaan na pagtayuan ng mga specialty hospital pagsapit ng taong 2028.
Sa kasalukuyan ay nasa 160 na ang napatayuan at nabuksan sa ikalawang taon ng panunungkulan ni Pangulong Marcos.
Samantala, ang Renal Building at Children’s Medical Center ang mga paunang istraktura na itatayo sa CMSMC.
Ang Renal Building ay pinondohan ng Department of Health sa halagang P1 bilyon na itatayo ng Department of Public Works and Highways.
May laking 10,600 metro kuwadrado ang kabuuang floor area ng anim na palapag na gusali na magkakaroon ng 110 na kama na maaring ma-expand hanggang sa 272 na kama. Ito ay inaasahang makukumpleto sa loob ng 18 buwan.
Kasing laki nito ang itatayo ring Children’s Medical Center na pinondohan ng Bloomberry Cultural Foundation, Inc. sa halagang P1 bilyon. Target ding matapos ang proyekto sa loob ng 18 buwan.
Popondohan naman ng Clark Development Corporation ang pagtatayo ng Medical Arts Building na kasalukuyan nang nirerepaso ang detailed engineering design. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)