LUNGSOD NG MALOLOS — Sinimulan nang ibaon ang kauna-unahang poste para sa istraktura ng magiging riles ng tren ng Philippine National Railways o PNR Clark Phase 1 mula Tutuban sa Maynila hanggang sa lungsod ng Malolos.
Mismong si Transportation Secretary Arthur Tugade ang nagpaandar ng concrete pile equipment na hudyat ng tuluy-tuloy nang paghuhukay para sa mga poste ng istrakturang lalatagan ng 38 kilometrong riles ng tren. Itinatayo na ngayon ito sa orihinal na ruta ng dating riles ng PNR.
Ipinaliwanag ng kalihim na ang Phase 1 ay binubuo ng apat na contract packages.
Unang package dito ang bahagi ng mula sa Tutuban, Maynila hanggang Bocaue, pangalawang package ang mula Bocaue hanggang sa Malolos, pangatlong package ang pag-assemble sa Japan ng mga bagol ng tren at ang pang-apat na package ay ang electro-mechanical na siyang magkakaroon ng malaking papel sa magiging operasyon nito.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan, may kabuuang halaga ang proyekto na 149 bilyong piso. Sa loob ng nasabing halaga, 93 bilyong piso ang sinagot ng Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency habang ang 56 bilyong piso ay magmumula sa taunang pambansang badyet ng pamahalaan ng Pilipinas.
Umabot na sa 91 porsyento o halos tapos nang linisin ang right-of-way para sa rutang dadaanan ng proyekto.
Ibinalita pa ni Batan na nito lamang Enero 21, ipinagkaloob ng kagawaran sa Sumitomo Mitsui Corporation Co. Ltd ang kontrata para sa Package 2 ng proyekto.
Ibig sabihin, unang isasailalim sa konstruksyon ang bahagi ng Malolos hanggang Bocaue na susundan naman mula Bocaue hanggang sa Tutuban.
Sa ginanap na Sake Barrel ceremony o Kagami Biraki na isang tradisyunal na Hapon ng pag-inom ng alak kapag may pagdiriwang, tiniyak ng mga kinatawan ng Sumitomo Mitsui Corporation Co. Ltd., na kanilang susundin ang utos ni Tugade na matapos ang proyekto sa taong 2021.
Kapag natapos ang proyekto, makakabiyahe nang sabay ang mga tren na mula Malolos hanggang Tutuban at pabalik dahil salubungang riles ang gagawin. Bawat isang train set ay may walong dugtong na bagol o rolling stock na kayang magbiyahe ng 300 libong pasahero araw-araw.
Ikinagalak naman ni Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda na ang PNR North Clark Phase 1 ay simbulo ng Golden Age of Strategic Partnership sa pagitan ng Pilipinas at ng Japan.
Bukod dito, ang Japan din ang magpopondo sa iba pang proyekto gaya ng rehabilitasyon ng Metro Rail Transit 3, Metro Manila Subway, at Phase 2 ng PNR Clark mula Malolos hanggang Clark International Airport kung saan katuwang naman ang Asian Development Bank.