Alternate Gov’t Command and Control Center sa Fort Magsaysay, pinasinayaan

FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pormal na pagpapasinaya sa Alternate Government Command and Control Center o GCCC sa Fort Magsaysay.

Ayon kay Lorenzana, taong 2018 nang magpasya ang pamahalaang nasyonal na magkaroon ng karagdagan o alternatibong GCCC na tutugon at mangangasiwa sa mga response operation sa panahon ng kalamidad sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC at Office of Civil Defense o OCD.

Mahalaga aniya ang pagkakaroon ng ganitong karagdagan at alternatibong pasilidad upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon at paghahatid serbisyo ng pamahalaan kung matamaan ng matinding sakuna ang National Capital Region.

Bukod sa Fort Magsaysay na matatagpuan sa Nueva Ecija ay may nakalinya pang GCCC na nakatakdang buksan sa Cebu at Cagayan de Oro.

Pahayag ng kalihim, ito ay patunay sa mga hakbang at hangarin ng administrasyong Duterte na maging disaster resilient ang bansa na agarang nakatutugon sa panahon ng pangangailangan o sakuna.

Sa idinaos na programa ay nagsagawa ng simulation exercise hinggil sa mga kapasidad ng alternate GCCC tulad ang pagsasagawa ng situation briefing kasama ang mga ahensiya ng pamahalaan na nasa ibang lugar, deployment ng mga responders para sa search, rescue and retrieval operations, ang pagkuha at pamamahagi ng mga food at non-food items na pangunahing kailangan ng mga mamamayan.

Ipinakita din ang mga kagamitan at kagayakan ng Department of Information and Communications Technology na ayon kay Lorenzana ay may mahalagang gampanin gaya ang pagtatayo ng portable communication system sa mga lugar na apektado ng sakuna.

Ang alternate GCCC sa Fort Magsaysay ay mayroong sariling operation center, logistics warehouse, mga cabin, at hangar.

Ayon pa kay Lorenzana, makaaasa ang taumbayan na patuloy sa pagganap ng tungkulin ang NDRRMC at OCD na maitaas ang antas ng pagiging disaster resilient ng bansa.

Ang pagpapasinaya sa naturang pasilidad ay sinaksihan din nina OCD Executive Director Ricardo Jalad, Social Welfare and Development Undersecretary Felicisimo Budiongan at Army 7th Infantry Division Commander Major General Andrew Costelo. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews