Inugat nang mas malalim ang naging mga ambag ni Mariano C. Ponce sa pagsisimula ng relasyon ng mga Pilipino sa mga Hapon.
Sa ginanap na virtual na panayam ng Museo ni Mariano Ponce sa Baliwag kaugnay ng isang linggong paggunita ng ika-103 taong anibersaryo ng kanyang kamatayan, mismong apo sa tuhod ni Ponce na si Jacinto Ponce Gonzales ang nagtalakay kung paano mas naging makahulugan ang ugnayan ng dalawang bansa mula sa personal na relasyon hanggang sa larangan ng diplomasya.
Pinamagatan ang panayam na ito bilang Mi Casa: 637 Miyokojiyama Yokohama, na address o tinirahan ni Okiyo Udagawa, ang haponesang napangasawa ni Ponce. Bilang nahirang ni noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo bilang sugo ng Pilipinas sa Japan, na katumbas ng titulong ambassador sa panahon ngayon, nanatili sa nasabing bansa si Ponce mula 1898 hanggang sa pagsisimula ng ika-20 siglo.
Ang pagkakadestino kay Ponce sa Japan ay may pangunahing pakay na makabili ng mga armas upang maidagdag sa mga gagamitin para sa noo’y nagbabadyang labanang Pilipino-Amerikano.
Naging pagkakataon din ang matagal na pananatili ni Ponce sa Japan upang makadaupang palad ang iba’t ibang lider Asyano gaya nina Sun Yat-Sen na noo’y pangulo ng Republika ng Tsina, Prince Fumimaro Konoe na naging punong ministro ng Japan at ilang mga kinatawan mula sa India.
Ayon pa kay Gonzales, nakilala ang kanyang lolo sa tuhod sa Yokohama, Japan dahil sa pagiging aktibo sa Association of Young Orientals. Noong panahong iyon, naging sangtuwaryo ng mga repormista at rebolusyonaryong Asyano ang Japan dahil nasa kasagsagan ng sari-saring digmaan at rebolusyon ang iba’t ibang bansa sa Asya.
Kaya naman naging pagkakataon ito para kay Ponce upang matutunan ang iba’t ibang sitwasyon sa Asya, kung paano haharapin ang noo’y pakikibaka ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano.
Nang mapasakamay na ng Amerika ang Pilipinas, nagdesisyong umuwi sa bansa si Ponce kasama ang napangasawang haponesang si Udagawa.
Dito na sila namuhay mag-asawa hanggang mamatay siya noong Mayo 23, 1918.
Kahit patay na si Ponce, pinili ni Udagawa na manatili na lamang sa Pilipinas alang-alang sa kanilang mga anak at mga apo.
Tahimik siyang namuhay sa kanilang tahanan sa Baliwag, Bulacan kung saan kasalukuyang nakatindig ang Museo ni Mariano Ponce sa karangalan ng kanyang asawa.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan nasakop ng Japan ang Pilipinas, na noo’y isang commonwealth ng Amerika, naging malaki ang papel ni Udagawa upang maraming Bulakenyong taga-Baliwag ang mailigtas laban sa kalupitan ng mga Hapon.
Bilang isang Haponesa, may emblem ng Imperyo ng Japan ang bahay nila ni Ponce.
Kaya’t sinumang Pilipino na pumasok dito ay hindi nilalapastangan o ginagawan ng masama ng mga sundalong Hapon.
May pagkakataon din noon sa Baliwag na mayroong isang Pilipinong nakatakdang bitayin ng mga sundalong Hapon, pero nailigtas nang sumadya si Udagawa sa kabayanan upang kausapin ang mga kababayang Hapon.
Kaugnay nito, taong 2011 nang huling mabisita ng mga kapamilya ni Ponce sa Baliwag sa pangunguna ni Gonzales ang kanilang mga kaanak sa Yokohama, Japan sa tulong ng Yokohama-Manila Sister City.
Isa itong samahan ng mga pilantropong Hapon na may interes at mga kaanak sa Pilipinas.
Samantala, umaasa ang mga kaanak ni Ponce sa Baliwag na kapag natapos na ang pandemya, matutuloy na ang matagal nang planong pirmahan para sa pagtatatag ng Baliwag-Yokohama Sisterhood Agreement at pormal na paglalagay ng panandang pangkasaysayan o marker ng National Historical Commission of the Philippines sa 637 Miyokojiyama, Yokohama sa Japan.