May tig-iisang bagong fire truck ang mga fire station sa mga bayan ng Guiguinto, Balagtas, Bustos at Obando sa Bulacan.
Bahagi ito ng nasa 250 na mga fire truck na binili ng Bureau of Fire Protection o BFP alinsunod sa ipinaiiral na BFP Modernization Act.
Sinabi ni Fire Marshall Officer Senior Inspector June Marcelino Isip, hepe ng Guiguinto Fire Station, ang bagong fire truck na ito ay kayang magkarga ng nasa isang libong galon ng tubig na katumbas ng 3,785 na litro.
Gawa sa Japan ang nasabing mga fire truck na may bigat na 16 na tonelada ang isang unit.
Pinapatakbo ito ng makinang may lakas na 6HK1TCL na kayang humatak ng hanggang 237hp maximum power at 706Nm maximum torque.
Base sa pamantayan ng BFP, dapat makaresponde ang isang bumbero matapos makarating ang tawag ng tulong sa loob ng pitong minuto o mas mabilis pa rito.