Aral ni Blas Ople sa mga lingkod-bayan: Mahalin ang taong-bayan, huwag ang posisyon

Sumasalamin ang reputasyon ni Blas Ople sa paglilingkod-bayan sa kung paano makataong trinato ang mga manggagawang Pilipino.

Iyan ang tinuran ni Migrant Workers Secretary Susan Ople nang pangunahan niya ang programang pang-alaala sa pagdiriwang ng Ika-96 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng kanyang ama.

Aniya, ang pinakamahalagang bilin ng kanyang ama ay kung sinuman sa kanyang mga anak ang mapunta sa paglilingkod bayan, hindi dapat mahalin ang posisyon kundi dapat mahalin ang taong-bayan.

Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataon si Blas na maglingkod sa pamahalaan, ginawang prayoridad ang kapakanan ng karaniwang mga manggagawang Pilipino.

Patunay dito ang patuloy na pag-iral ng kanyang mga ginawa para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino na nasa Pilipinas at maging ng mga nasa ibang bansa.

Una rito ang Labor Code of the Philippines na isinulat mismo ni Blas sa kanyang kapasidad bilang noo’y Minister of Labor and Employment.

Siya din ang naging instrumento upang maitatag ang Philippine Overseas Employment Administration na ngayo’y Department of Migrant Workers na nabuo sa bisa ng Republic Act 11641.

Para sa kanyang bunsong anak na si kalihim Susan, ang matinding malasakit ni Blas sa karaniwang mga manggagawa ay humuhugot sa pinagmulan nito bilang isang kabataan na hindi makapag-aral dahil walang pera. 

Ito ang nagbunsod upang si Blas ay maging kargador sa Manila North Harbor upang makapasok sa paaralan.

Gayun pa man, nagtapos ng high school bilang isang valedictorian kahit na nanghiram lamang ng sapatos para makadalo ng graduation.

Bukod aniya sa pagsisikap na makapag-aral, taglay ni Blas na dapat manatiling mababa ang kalooban kahit gaano man kataas ang maging propesyon o tungkulin.

Paniwala aniya ni Blas, na kung mamahalin ng mga naglilingkod sa pamahalaan ang mamamayan, mamahalin din sila ng kanilang mga pinaglilingkuran. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews