Army Aviation Regiment, muling magsasanay ng mga bagong piloto

May kabuuang anim na kasundaluhan mula sa iba’t ibang yunit ng Philippine Army ang mag-aaral upang maging bagong piloto ng Army Aviation Regiment. 

Ito ay matapos ang pormal na pagbubukas ng Rotary Wing Aviator Qualification Course sa Fort Magsaysay na pinangasiwaan mismo ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro.

Ayon kay Bacarro, makatutulong ang pagbubukas ng kurso sa pagpapalawak ng kakayahan ng rehimiyento at hukbong katihan partikular sa paghahatid ng kailangang suporta sa mga operasyon tulad ng medikal, light attack capability, aerial inspection at marami pang iba. 

Ito ang kauna-unahang beses na diretso na ang mga aspiring aviator sa kursong Rotary Wing kahit hindi pa dumaan sa pag-aaral ng Fixed Wing Course. 

Sinabi ni Aviation School Center Commandant Major Jonathan Ramirez na sa 17 nag-aplay at nais maging piloto ay anim lamang ang pumasa sa masusing eksaminasyon, medikal at deliberasyon. 

Tinatayang aabot sa lima hanggang pitong buwan ang itatagal ng pag-aaral ng mga aspiring aviator sa pagpapalipad ng Robinsons R44 Clipper II helicopter bilang kanilang primary aircraft.

Kinakailangan nilang maipasa ang dalawang yugto ng kurso na kung saan ang una ay ang tinatawag na ground phase o lektyur tungkol sa lahat ng mga dapat malaman sa pagpapalipad ng aircraft bago ang flight phase o aplikasyon ng mga natutuhan sa pag-aaral na sila na mismo ang magpapalipad ng eroplano kasama na ang solo flight.   

Pahayag ni Ramirez, ang pagtuturo ng mga bagong piloto, mekaniko at personnel ay hakbang bilang preparasyon kung sakaling magkaroon ng karagdagang aircraft ang hukbo. 

Ang paalala ni Bacarro, hindi man maging madali at marami mang sakripisyo sa pagdadaanang pagsasanay ay laging gawin ang lahat at buong makakaya upang magtagumpay. 

Kanya ding pinasalamatan ang Aviation School Center sa paghubog ng mga bagong piloto na maaasahan ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews