BALER, Aurora — Naglabas ng kautusan si Aurora Governor Gerardo Noveras hinggil sa mahigpit na pagsunod sa umiiral na batas sa pagbibiyahe ng mga buhay na manok at mga produkto na nanggagaling dito, kabilang ang sisiw, itlog, maging ang dumi nito (ipot/manure), papasok at papalabas ng lalawigan.
Ito ay bunsod ng naiulat na kaso ng Avian Influenza sa bayan ng San Luis sa Pampanga at maging sa mga bayan ng Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija.
Sinabi ni Noveras na ang mga hindi apektado ng outbreak ay maaaring magpasok sa lalawigan ng mga produkto subalit kinakailangan na may mga dokumento na magpapatunay na ligtas sa avian virus ang mga ito.
Kabilang na riyan ang shipping permit at veterinary health certificate mula sa Provincial Veterinary Office at pagpapatunay na ang mga manok at mga produktong ibiniyahe ay mula sa mga lugar o farms na “No Incidence of Avian Influenza” sa nakalipas na 21 araw bago ang mga ito na ibiniyahe.
Kalakip ng kautusan ni Noveras ang utos mula sa Department of Agriculture at Bureau of Animal Industry. (CLJD/JSL-PIA 3) Joselito S. Libranda