BALER, Aurora — Tumanggap ng Mobile Command and Control Vehicle (MOCCOV) ang pamahalaang panlalawigan ng Aurora mula sa Department of Science and Technology (DOST).
Personal itong pinangunahan ni DOST Secretary Renato Solidum Jr.
Ayon kay kalihim, ang MOCCOV ay nilagyan ng contingency at response technologies na idinisenyo upang tumugon at pangasiwaan ang pang araw-araw na operasyon sa panahon ng kalamidad.
Dagdag pa ng kalihim, may sarili itong weather station system, drone, satellite phone, at iba pang kagamitan sa komunikasyon at pagsubaybay na magagamit sa mga lugar na hirap mapuntahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ito na ang ika-anim na MOCCOV na iginawad ng kagawaran.
Maliban dito, nagkaloob din ang ahensya ng Mobile Water Treatment Plant (MWTP) sa Kapitolyo na magbibigay suplay sa malinis at ligtas na inumin hango sa tubig dagat at tubig tabang.
Ang MOCCOV at MWTP ay may kabuuang halaga na P20 milyon na pinondohan sa ilalim ng programang Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) ng DOST.
Layunin ng CEST na bumuo ng progresibo at resilient na komunidad. (CLJD/MAT-PIA 3)