Aabot sa mahigit P34 milyon halaga ng ayuda o financial assistance ang sinimulang ipamahagi ngayong Martes sa bayan ng Abucay, Bataan.
Ito ay alinsunod sa pagkakasailalim ng Bataan sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa loob ng Agosto 8-22, 2021 at ang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbibigay ng suportang pampinansyal sa mga naapektuhan nito sa Bataan.
Ayon kay Abucay Municipal Administrator Engr. Estoy Vergara na siyang kumatawan kay Abucay Mayor Liberato P. Santiago, Jr., nagsilbing pilot area sa distribusyon ang Barangay Gabon.
Personal itong sinaksihan nila DILG Undersecretary Jonathan Malaya at DSWD Asst. Sec. Rhea Peñaflor kasama ang iba pang opisyal at kawani ng mga nabanggit na ahensya, matapos ang isinagawang launching nito sa Barangay Colo sa Bayan ng Dinalupihan.
Ang mga LGUs ng Bataan, sa pangangasiwa ng pamahalaang nasyonal, ay naatasang ipamahagi ang tulong pinansyal sa kani-kanilang nasasakupan katuwang ng DSWD, DILG at ang PNP naman para sa pagbabantay at pagpapatupad ng seguridad pangkalusugan at pangkapayapaan sa mga distribution areas.
Ayon sa DILG, ang tulong pinansyal ay direktang ipamamahagi sa mga kinauukulang LGUs para sa pagbibigay ng cash aid sa mga apektadong residente sa halagang PhP1,000.00 bawat indibidwal, na may maximum na halagang PhP4,000.00 bawat pamilya.
Sa kabuuan ay nasa mahigit P699 milyon ang inilaan ng pamahalaang nasyonal para sa lalawigan ng Bataan sa ilalim ng naturang programa.