Ayuda sa 400 medical patients sa Abucay, tiniyak ni Mayor Tagle

Nasa 400 medical patients ang nakatakdang simulang bigyan ng financial assistance sa darating na Biernes (July 8) sa Bayan ng Abucay, Bataan.

Ito ang naging pagtitiyak nitong Lunes ni Abucay Mayor Robin Tagle matapos ang isinagawa niyang kauna-unahang tradisyunal na flag-raising ceremony na pinangunahan niya bilang bagong alkalde ng naturang bayan.

Sa panayam ng media kay Mayor Tagle ang mga tatanggap ng ayudang P5,000 bawat benepisyaryo ay pawang mga cancer patients at yung mga nagda-dialysis.

Aniya, nagmula ang pondo mula kay Senator Bong Go na umaabot na ngayon sa P5 milyon.

“Nauna siyang nagbigay noong panahon ng lockdown ng P2 milyon, marami pa siyang naitulong bukod doon at nung malaman niyang nanalo ako bilang Mayor ng Abucay ay nagbigay pa ulit siya ng karagdagang P3 milyon,” pahayag pa ni Mayor Tagle.

Humiling din si Mayor Tagle kay Pusong Pinoy Congressman Jett Nisay at Bataan Governor Joet Garcia ng karagdagan pang pondo para rito para aniya mas marami pang Abukenyo ang maabot ng tulong pinansiyal lalo na ang mga may problema sa kalusugan.

Kasama din sa mabibiyayaan ni Mayor Tagle sa ibibigay na tulong ng Kapitolyo at ni Congressman Nisay na mabigyan ng ayuda ang mga nasa hanay ng transportasyon lalo na ang mga tricycle at jeepney drivers na labis na naapektuhan ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Isinasaayos din ni Mayor Tagle katuwang ang Abucay Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Roberto “Wangbu” Pabustan Jr., bukod sa dialysis center ay ang pagmo-modernize ng kanilang mga laboratory sa mga rural health units sa bawat barangay.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews