BAGAC, Bataan – Aabot sa labinlimang bilyon pisong halaga ng pamumuhunan o investments ang nakatakdang ilagak ng mga dayuhang investors sa bayang ito sa mga susunod na buwan at taon.
Ito ang masayang ibinalita ni Bagac Municipal Mayor Rommel “Ramil” Del Rosario sa panayam ng 1Bataan News kamakailan sa Rancho Bernardo exclusive resort.
Ayon kay Mayor Del Rosario, resulta ito ng kanyang dinaluhang global business conference sa China nitong unang bahagi ng taong 2020 bago pumutok ang balita tungkol sa novel coronavirus (Covid-19) pandemic.
“Ready na sana ang mga documentations namin sa TIEZA kaso naantala dahil dito sa nangyaring lockdowns dahil sa Covid-19,” pahayag ni Del Rosario.
Naganap ang dinaluhang business conference ni Mayor Del Rosario sa Harbin City, China. Ito ay ang 2020 Harbin International Symposium on Sustainable Development of Winter Cities sa Harbin New District (Free Trade Pilot Zone) Promotion Conference.
Sa nabanggit na business conference ay nagpresent si Mayor Del Rosario ng mga latest business opportunities hindi lamang para sa kanyang bayan sa Bagac kundi para sa buong lalawigan ng Bataan.
Nakasama ni Mayor Del Rosario sa pangkalakalang komperensya ang mga malalaking negosyante at investors mula sa mga bansang United States of America, China, Germany, South Korea, Japan at Russia.
Inaasahang malaki ang maiaambag ng mga negosyong ilalagak ng mga investors na nakumbinsi ni Mayor Del Rosario in terms of real property taxes, job generation at patuloy na progreso sa bayan ng Bagac at sa buong lalawigan ng Bataan.