Arestado ang isang bagitong pulis at isang team leader ng municipal marshal matapos umanong magreklamo ng panghahalay ang isang teenager sa Mariveles, Bataan.
Ayon sa ulat mula kay Police Lt. Col. Cesar Lumiwes, hepe ng Mariveles PNP, kinilala ang nadakip na sina Patrolman Elmer Tuazon Jr. nakatalaga sa 2nd PMFC Bataan Police Office at Armando Dimaculangan, 53 anyos.
Nabatid sa imbestigasyon na nasita ng mga suspek ang babaeng biktima na 19 anyos sa Quarantine Control Point (QCP) nitong Biernes sa paglabas ng tahanan dahil siya ay isang unauthorized person outside residence o UPOR.
Naganap ang paninita sa QCP sa Barangay Batangas Dos, Roman Expressway sa bayan ng Mariveles kung saan nasa ilalim ng MECQ ang buong lalawigan ng Bataan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19.
Pero sa halip na community service ang maging parusa, halinhinan umanong pinagsamantalahan ang katawan ng biktima sa isang boarding house ng mga nabanggit na suspek.
Nang makauwi ang biktima ay kaagad umano itong nagsumbong sa kanyang mga kaanak at mabilis na ipinaalam sa mga otoridad na nagbigay daan sa pagkakadakip ng mga salarin.
Ayon kay PNP Police Regional Office 3 Regional Director, Police Brigadier General Valeriano De Leon, bukod sa kasong kriminal ay kakasuhan din ang bagitong pulis ng kasong administratibo na maaring humantong sa pagkakasibak nito o dismissal sa serbisyo bilang pulis.