LUNGSOD NG MALOLOS — Nakatakdang lumipat sa unang bahagi ng 2018 ang mga tanggapan ng pamahalaang lungsod ng Malolos sa bagong City Hall.
Ayon kay Mayor Christian Natividad, nasa ikalimang palapag na ang konstruksyon mula nang simulan ang pagbabaon ng may 227 mga pilote na magsisilbing pundasyon noong kalagitnaan ng 2016.
Nagkakahalaga ang proyekto ng 284 milyong piso na nakatakdang matapos sa Marso 2018.
Ang bawat isang pilote ay may lalim na 22 metro o 72.16 na talampakan na katumbas ng pitong palapag na gusali.
Ikinapit ang pilote sa pinakamatigas na bato o uri ng lupa sa ilalim.
Pagkatapos maibaon ang 72.16 na pilote, doon naman ipapatong ang mismong pundasyon ng limang palapag na istraktura ng gusali.
Itinatayo ang bagong City Hall ng Malolos sa sampung ektaryang lupa ng Philippine Information Agency na nasa tabi ng Mac Arthur Highway sa barangay Bulihan.
Noong 2004, ipinagkaloob ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pamahalaang lungsod ng Malolos ang naturang lupa na bahagi ng kabuuang 50 ektaryang pag-aari ng nasabing ahensya. (CLJD/VFC-PIA 3)Vinson F. Concepcion