LUNGSOD NG MALOLOS — Magbubukas ng mga bagong entry ramps at exits sa North Luzon Expressway o NLEX upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Bulacan partikular sa bahagi ng Bocaue.
Ayon kay NLEX Corporation President Rodrigo Franco, pinaplantsa na ang kasunduan sa pagitan ng kumpanya, Department of Public Works and Highways o DPWH at ng pamununuan ng Ciudad De Victoria Tourism Enterprise Zone para sa nalalapit na pagbubukas ng exit sa bahaging ito ng expressway kung saan matatagpuan ang Philippine Arena at Philippine Sports Stadium.
Ito ang magbubukas ng panibagong daan mula sa NLEX patungo sa Governor Fortunato Halili Avenue sa bayan ng Santa Maria nang hindi kailangang mag-exit pa sa Bocaue.
Kasalukuyan nang pinapalapad ng DPWH ang Bocaue Interchange ng NLEX na gagawing tig-dalawang linya, mula sa ngayo’y salubungan lamang.
Sa Bocaue pa rin, magbubukas ng exit sa tulay ng Tambubong na nasa northbound ng NLEX o direksyon papuntang Pampanga.
Magkakaroon din ng entry ramp mula sa Tambubong papasok sa NLEX-Northbound at entry ramp sa NLEX-southbound o paluwas sa Metro Manila.
Ang Balagtas exit ay lalagyan na ng entry ramp mula Plaridel Bypass palabas sa NLEX-North Bound habang magkakaroon din ito ng exit mula sa NLEX-southbound.
Ibig sabihin, ang mga motorista na galing sa Pampanga ay makakapasok na sa Balagtas exit papuntang Plaridel Bypass.
Sa ngayon, ang mga motorista na galing sa Plaridel Bypass ay puro palabas lamang papuntang Metro Manila.
Hindi na rin kailangang umikot pa sa Bocaue exit ang mga motoristang galing sa Plaridel Bypass, gamit ang Balagtas exit, para lamang makalabas sa NLEX Northbound.
Ipinaliwanag naman ni Franco na DPWH ang may hurisdiksiyon sa mga kalsadang bubuksan papalabas ng NLEX kaya’t ito ang maglalaan ng pondo para sa nasabing mga proyekto.
Ang NLEX Corporation naman ang gagastos sa pagtatayo ng mga toll plaza at iba pang pasilidad na kailangan.