LUNGSOD NG MALOLOS — Pinasinayaan na ang bagong gawang gusali ng Outpatient Department ng Bulacan Medical Center o BMC.
Ang 49 milyong piso, dalawang palapag na istraktura ay pinondohan ng Department of Health o DOH sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program.
Sinabi ni BMC Medical Director Hjordis Marushka Celis na ito ay may pasilidad para sa Family Planning; OB-Gyne; Surgery Department; Treatment/Excision; Laboratory; X-Ray; Medical Department; Eye, Ear, Nose, Throat clinic; Hospital Epidemiology and Surveillance Unit; Animal Bite Treatment Center; Dental Clinic; Pedia/Under 5 Clinic, Sub-Specialty Area at Pediatric Department.
Bukas ito Lunes hanggang Biyernes mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Ito ay may kapasidad na tumanggap ng 300 hanggang 400 na pasyente bawat araw.
Bukas din ito tuwing Sabado mula alas otso ng umaga hanggang alas dose ng tanghali
upang maghatid ng serbisyo na limitado sa internal medicine at pagtatanggal ng tahi.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Gobernador Daniel Fernando sa DOH sa pagbibigay sa lalawigan ng bagong gusaling pang-medikal upang makapagbigay ng serbisyo sa mga Bulakenyo, lalo’t higit ‘yung mga mahihirap.
Mahigpit rin pinaalalahanan ng punong lalawigan ang mga kawani na gampanan ang kanilang mga tungkulin ng may integridad at paglingkuran ang mga Bulakenyong nangangailangan ng may pagmamalasakit at pang-unawa.
Samantala ang dating outpatient department ng BMC ay magiging Department of Ophthalmology and Visual Sciences.