FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija (PIA) — Target matapos ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang pagpapatayo ng bagong headquarters ng 7th Infantry Division o 7ID ngayong Disyembre 2020.
Ito ang ipinahayag mismo ni DPWH Secretary Mark Villar sa kamakailang groundbreaking ceremony ng naturang proyekto.
Aniya, sakop ito ng TIKAS o Tatag ng Imprastruktura para sa Kapayapaan at Seguridad Program ng pamahalaan katuwang ang Department of National Defense bilang nakikitang agapay sa mga pangangailangang pasilidad ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na karamihan sa mga kampo ay luma at kulang sa gusali.
Pahayag ng kalihim, ito ay munting pasasalamat lamang sa kabayanihan ng mga kasundaluhan ng bansa upang tiyaking sila ay magkaroon ng maayos na pasilidad na kapakipakinabang sa pagtupad ng tungkulin.
Ang two-storey building na bagong headquarters ng 7ID ay isa lamang sa anim na isasakatuparang proyekto ngayong taon sa loob ng Fort Magsaysay na nagkakahalaga ng 40.9 milyong piso.
Dito matatagpuan ang magiging bagong Tactical Operation Center ng tanggapan.
Kabilang pa din sa TIKAS program ang itinatayong dalawang gusali para sa Light Reaction Regiment na isa sa mga tenant units sa Fort Magsaysay na pinagkalooban ng four-storey transient facility at two-storey administration building project na nagkakahalaga ng 58.2 milyong piso.
Bukod pa rito ang pagpapatayo ng hangar para sa Army Aviation Battalion sa halagang 62.5 milyong piso at dalawang yunit ng barracks na nagkakahalagang 19.4 milyong piso para sa Special Forces Regiment.
81.2 milyong pisong pondo naman ang inilaan para sa road concreting project sa loob pa din ng kampo Magsaysay.
Paglilinaw ni Villar, ang mga naturang proyekto ay bahagi pa din ng Build Build Build program na isa sa mga komprehensibong programa ng pamahalaang nasyonal para sa turismo, kalakalan at maging sa pagtataguyod ng seguridad ng bansa.
Lubos naman ang pasasalamat ng pamunuan ng 7ID sa pangunguna ni Major General Lenard Agustin sa mga panibagong proyekto sa loob ng kampo gayundin ang pagbibigay halaga sa mga sakripisyo at serbisyo ng mga kasundaluhan.