Bagong kalihim ng DA, bumisita sa Muñoz

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ — Binisita ng bagong talagang kalihim ng Agrikultura na si William Dar ang Muñoz upang makipagpulong sa iba’t ibang mga nasasakupang ahensya na nakabase sa naturang lungsod agham.

Kabilang na riyan ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech, Philippine Carabao Center at Philippine Rice Research Institute o PhilRice.

Si Agriculture Secretary William Dar (pangalawa mula sa kanan) kasama ang pamunuan ng Central Luzon State University sa pangunguna ni Dr. Tereso Abella sa ginanap na talakayan sa pagsasaka. (nasa gitna). (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Ayon kay Dar, layunin ng kanyang pagbisita na makita ang gampanin ng mga tanggapan partikular ang kahandaan sa implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Program o RCEP.

Gayundin ay kanyang inilahad ang mga programa at sistemang tututukan bilang bagong pinuno ng kagawaran na may kaugnayan sa modernization, industrialization, export strategy, farm consolidation, infrastructure development, roadmap development, increase budget and investments, at legislative.

Aniya, hindi ito maisasakatuparang magisa ng kagawaran, kinakailangan ang tulong ng bawat sektor upang maabot ang masaganang ani at mataas na kita ng mga magsasaka at mangigisda sa bansa.

Nagbabala naman si Dar sa mga nasasakupang kawani na maging matapat sa paglilingkod, pagseserbisyo sa mga kababayan at kanyang mahigpit na ipatutupad ang kalinisan sa buong kagawaran. 

Sa pagdating ng kalihim sa lalawigan ay kanya na ding ibinalita na sa Lunes, ikalawa ng Setyembre, ay opisyal nang ilulunsad ang Expanded Survival and Recovery Assistance for Rice Farmers o SURE Aid Program na bahagi ng RCEP na layong tumugon sa pangangailangang pinansiyal ng mga magsasaka. 

Nakapaloob sa programa, na pangangasiwaan ng Landbank of the Philippines, ang pagpapahiram sa mga magsasaka ng nasa 15,000 piso kung saan walang interes na babayaran sa loob ng walong taon. 

Bukod sa Expanded Rice Credit Assistance ay nakapaloob din sa RCEP ang limang bilyong pisong pondo na ilalaan sa pamamahagi ng mga makinarya para sa mga kooperatiba tulad ng tillers, tractors, seeders, rice planters, threshers, harvesters, irrigation pumps at marami pang ibang kagamitan na pangangasiwaan ng PhilMech.

PhilRice naman ang tututok sa pamamahagi ng nasa 2.12-milyong bag na libreng binhi para sa mga magsasaka ng palay sa bansa na inaasahang magsisimula sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre 2019 bilang paghahanda para sa dry cropping season. 

Bukod pa ang pagbibigay kasanayan sa mga magsasaka na pagtutulungang ipatupad ng Agricultural Training Institute at ng Technical Education and Skills Development Authority. 

Paglilinaw ng kalihim, ang mga benepisyaryong magsasaka ng RCEP ay ibabatay sa rehistrado o kilalang kooperatiba o samahan ng mga magsasaka sa munisipyo o siyudad o kaya ay nasa listahan ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture ng kagawaran. 

Bukod sa pulong, naging keynote ispiker din si Dar sa talakayang idinaos ng Central Luzon State University hinggil sa pagsusulong ng modernisasyon sa pagsasaka. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews