Pansamantalang magiging internal triage ang bagong dalawang palapag na gusali ng Out-Patient Department o OPD ng Bulacan Medical Center o BMC.
Sinabi ni BMC Head Hjordis Marushka Celis na dahil pansamantalang eksklusibo na referral facility sa COVID-19 ang nasabing ospital, hindi pa magagamit ito bilang isang ganap na OPD.
Kaya’t gagamitin muna ang magiging OPD building para maiwasan ang mga pasyenteng naghihintay sa mga triage tents na nasa labas ng ospital.
Sa triage sinusuri ng mga health workers kung ang isang pasyenteng may sintomas ng COVID-19, ay dapat bang mai-confined o mailagak sa isang quarantine facility.
Ito’y upang matiyak na hindi magkakahalo ang mga pasyenteng severe sa mild COVID-19.
Nauna nang sinabi ni Celis na ang kasalukuyang kapasidad na 200 beds ng BMC ay madadagdagan ng 100 hanggang 200 mga beds bilang tugon sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Itinayo ang magiging bagong OPD sa harapan ng bakuran ng BMC at kahilera ng Bulacan Infection Control Center.
Ayon kay Fernando Guanzon ng Department of Health Region 3 Health Facility Enhancement Program, may halagang 40 milyong piso ang ginugol dito ng kanilang ahensya na isinakatuparan sa kahilingan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.
Kapag bahagyang humupa ang mga kaso ng COVID-19, ani Celis, unti-unti nang gagamitin ang bagong pasilidad bilang ganap nang isang OPD.
Dito nakatakdang ilipat ang operasyon ng ngayo’y isang palapag lamang na OPD ng BMC.
Kabilang sa mga serbisyo na ibinibigay ng isang OPD ay mga testing laboratoryo ng ihi, dumi, dugo, electrocardiography o ECG, x-Ray at CT Scan.
Posibleng mailipat din dito ang botika at ang emergency room dahil ayon kay Gobernador Daniel Fernando, sa iiwanang pasilidad ng OPD naman ilalagak ang magiging Department of Ophthalmology and Visual Sciences. (CLJD/SFV-PIA 3)