Bagong panuntunan sa pagkuha ng permit sa land develop sa Bulacan, inilatag

LUNGSOD NG MALOLOS – Sa layuning paigtingin ang pambansa at lokal na batas tulad ng Republic Act 7942 o ang Philippine Mining Act of 1995 at Panlalawigang Ordinansa Blg. C-005 o ang Revised Environmental Code of the Province of Bulacan, nagpasa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Sanggunian Panlalawigan ng Panlalawigang Ordinansa Blg. 102-2023, isang ordinansa na nagtatakda ng mga bagong panuntunan sa pagbibigay ng special permit sa pag-develop ng lupa na may kinalaman sa pagkuha at pagtatapon ng non-metallic minerals sa Bulacan na hindi sakop ng mining or quarrying permit.

Nakasaad sa nasabing ordinansa ang mga partikular na panuntunan at patakaran sa pagkuha, paggamit, at pagtatapon ng mga incidental earth minerals bilang bahagi ng pribadong land development projects.

Ayon kay Abgd. Julius Victor Degala, pinuno ng Bulacan Environment and Natural Resources Office, nag-iisyu ang kanilang tanggapan ng dalawang uri ng permit: Quarrying Permit na ibinibigay sa isang kwalipikadong tao o entidad para sa pagkuha at paggamit ng quarry resources sa pampubliko at/o pribadong lupain o water system; at Special Permit na iniisyu ng Punong Lalawigan sa mga may-ari ng lupa na nagnanais i-develop at gawing produktibo ang kanilang nakatenggang lupain ngunit sa pagsasagawa nito ay kinakailangan ang pagkuha or pag-alis at pagbiyahe ng partikular na dami ng earth and/or unconsolidated terrace sand at graba mula sa kanyang lupain patungo sa ibang lugar.

Epektibo simula Abril 18, 2024, maaari nang mag-aplay ang mga indibidwal at mapagkalooban ng Special Permit kung makukumpleto niya ang mga sumusunod: Liham ng Aplikasyon sa Punong Lalawigan, BENRO Form 01-1 na kumpletong sinagutan at notaryado, sketch plan ng lugar, clearance mula sa mga kinauukulang lokal na pamahalaan, proof of ownership ng lupain, Site Development Plan, Provincial Environmental Compliance Certificate, sertipikasyon mula sa Provincial Agrarian Reform Office or Municipal Agrarian Reform Office at akreditasyon  ng Punong Lalawigan para sa mga heavy equipment.

Dagdag pa rito, limitado ang bisa ng Special Permit sa 60 araw mula sa pagkakaisyu at maaaring i-extend ng Punong Lalawigan hanggang 30 araw ayon sa rekomendasyon ng BENRO, ngunit ang permittee ay dapat na may sapat na rason o paliwanag kung bakit hindi natapos ang land development sa loob ng 60 araw.

Ang sinumang sangkot sa paglabag sa ipinagbabawal na gawain sa ilalim ng Seksyon 16 tulad ng “Kabit System; Pag-dispose at/o pagbiyahe ng earth materials na walang Special Permit mula sa Punong Lalawigan; Pag-dispose at/o pagbiyahe ng earth materials na walang valid Delivery Receipt at Transport Slip; Pag-dispose at/o pagbiyahe ng earth materials nang hindi binabayaran ang kaukulang quarry tax; Pag-dispose at/o pagbiyahe ng earth materials na lagpas sa 10,000 cubic meters ay magbabayad ng P5,000 kada paglabag o pagkabilanggo ng isang buwan para sa unang paglabag; P5,000 sa bawat paglabag, pagkabilanggo ng dalawang buwan at pag-impound sa trak/sasakyan/kagamitang ginamit sa ipinagbabawal na gawain para sa ikalawang paglabag; at P5,000 kada paglabag o pagkabilanggo ng tatlong buwan, pag-impound sa trak/sasakyan/kagamitang ginamit sa ipinagbabawal na gawain at hindi pagpapahintulot sa permittee na makakuha ng anumang mining/quarry permits mula sa Pamahalaang Panlalawigan  sa loob ng tatlong taon para sa ikatlong paglabag. Upang makalaya, kailangang bayaran ang multa at impounding fee na P1,000 kada trak/sasakyan/kagamitang ginamit sa ipinagbabawal na gawain.

“Ang pagpapatupad natin ng angkop na regulasyon sa paggamit ng lupa ay mahalagang bahagi ng ating gampanin bilang mga lingkod bayan at mamamayan. Ang kalupaan ay biyayang nagtataglay ng nag uumapaw na potensyal at bilang tagapangalaga ng likas na yaman, sa atin nakaatas ang tungkuling pakaingatan ang ating teritoryo at siguraduhing nakikinabang ang lahat sa biyayang dulot nito,” ani Punong Lalawigan Daniel R. Fernando. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews