LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) — Nakumpleto na ang kumbersiyon ng gusali ng Local Governance Center bilang isang hostel ng Kapitolyo na matatagpuan sa loob ng Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, magsisilbi itong modelo ng mabuting pakikitungo o hospitality ng mga Bulakenyo. Simbolo rin aniya ito ng pagpreserba sa mga minanang pasilidad na naitayo sa nakalipas na mga panahon.
Dito patutuluyin ang mga natatanging bisita at personalidad na inaanyayahan ng pamahalaang panlalawigan.
Nasa P21.1 milyong piso ang ginugol ng pamahalaang panlalawigan sa kumbersyon ng pasilidad noong nakaraang taon.
May mga energy-saving features ang nasabing gusali gaya ng malalaking bintana sa lobby.
Nilagyan din ng mga inverter na airconditioning units, compact fluorescent lights, at mga light-emitting diodes o LED lights ang mga conference rooms, silid-tulugan, at pasilyo dito.
Dekada 90 nang ipatayo ng pamahalaang panlalawigan ang nasabing gusali upang magsilbing sentro ng pagsasanay sa tamang pagpapatupad ng Local Government Code.
Isinailalim ang pasilidad sa renobasyon noong 1999 at nagsilbing isa sa mga quarantine facilities sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic noong taong 2020 at 2021. (MJSC/SFV-PIA 3)