Baliwag, DICT lumagda ng MOA para sa Tech4Ed program

Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang palawigin ang inilunsad na Tech4Ed program ng pamahalaang lokal kamakalawa.

Ayon kay Mayor Ferdie Estrella, nagkaloob ang nasabing ahensiya ng mga pangunahing kagamitan gaya ng desktop at laptop computers , router, printer at CCTV sa pamahalaang lokal ng Baliwag na siyang inisyal na gagamitin para sa inilunsad at pagpapatupad ng kanilang programang Tech4Ed.

Magugunita na isa sa mga ipinangakong proyekto ni Mayor Estrella ang pagkakaroon ng isang e-Resource Center upang maging center for technological advancement ang nasabing bayan.

Pinasalamatan ng alkalde ang naturang kagawaran sa pangunguna ni Pablito Sy at Renato Dela Pena na silang kumatawan sa DICT sa isinagawang MOA signing.

Ayon kay Sy, ang Tech4Ed ay Technology Empowerment for Education, Employment, Entrepreneurship and Economic Development na naglalayon na magkaroon ng mas maraming oportunidad gamit ang teknolohiya.

Magkakaroon umano ng access ang mamamayan sa serbisyo ng gobyerno gamit ang Tech4Ed, ayon kay Sy.

Ayon kay Estrella, sa pamamagitan ng nasabing programa ay iaangat nito ang digital literacy sa bansa upang makatulong din sa pag-angat ng kasanayan at paglago ng ekonomiya ng bansa.

Una nang magiging benepisyaryo sa pagtutulungang ito ay ang Baliwag Municipal Library kung saan ikakabit ang mga high-end na desktop computer na mayroong internet connection na libreng magagamit ng publiko lalo na ang mga estudyante para sa kanilang aralin at pananaliksik.

Ang mga handog na computer ng DICT ay mayroon ding kalakip na software programs na inaasahang makakatulong sa mga estudyante, guro, mananaliksik, entrepreneurs, mga naghahanap ng trabaho, at bawat Baliwagenyo na nangangailangan ng serbisyo mula sa gobyerno dahil magsisilbi rin itong portal para makakonekta sa mga importanteng websites ng national at local government.

Dagdag pa rito ay kasalukuyan ding nag-iipon ang Baliwag Municipal Library ng mga e-books na pwedeng i-save sa mga computer na mababasa at magagamit bilang sanggunian ng mga pupunta sa pambayang aklatan.

Magkakaroon din ng database ng mga heritage at cultural properties, mga historical anecdotes, at ilang pang mahalagang materyales mula sa Museo ng Baliwag na maaari ring ma-access gamit ang mga computer na ito.

Naniniwala si Mayor Ferdie na tunay na marami ang benepisyo ng naging kasunduan ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag at DICT kung kaya’t nais niyang masulit at magamit ito ng mga Baliwagenyo upang makatulong sa kanilang pamumuhay.

Ipinangako rin niya na lalo pang pag-iibayuhin ang pagtupad sa kanyang mga ipinangakong plataporma para sa mabuting pamamalakad sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga ahensya na sumusuporta sa katulad na hangarin.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews