Banatu Festival 2025 highlight ng pagdiriwang sa ika-75 anibersaryo ng lungsod ng Cabanatuan

Sinabi ni Cabanatuan City Tourism Development and Promotion Office Officer-In-Charge Roelle Anne Yambot na magiging highlight ng pagdiriwang sa ika-75 taong anibersaryo ng Cabanatuan bilang isang lungsod ang Banatu Festival 2025. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN – Magiging highlight ng pagdiriwang sa ika-75 taong anibersaryo ng Cabanatuan bilang isang lungsod ang Banatu Festival 2025.

Magsisimula ito sa huling bahagi ng Enero na magtutuloy-tuloy hanggang sa buwan ng Marso kung saan bawat linggo ay mayroong aabangang mga aktibidad na bukas hindi lamang para sa mga mamamayan ng siyudad, kundi pati sa mga residente mula sa mga karatig lugar sa Nueva Ecija. 

Ayon kay Cabanatuan City Tourism Development and Promotion Office Officer-In-Charge Roelle Anne Yambot, sa taong ito ay maraming aktibidad ang inihanda ng pamahalaang lungsod upang marami ang mapasaya at maihandog na programa para sa mga dumarayo sa siyudad.  

“Taun-taon dahil mas pinapalaki at pinapaganda pa ang mga programa,  dumadami din ang mga nanonood, dumadami ang mga pumupunta at kapalit nito natutulungan din natin ang mga maliliit na negosyo na nakapaligid sa atin, kaya napakalaking tulong sa turismo at negosyo dito sa Cabanatuan ang mga selebrasyon na ating ginagawa katulad nito,” pahayag ni Yambot. 

Una sa matutunghayang programa para sa Banatu Festival ay ang weeklong medical, dental, and optical mission para sa mga nangangailangan ng libreng konsultasyong pangkalusugan. 

Hindi naman mawawala ang dinarayong kasiyahan at mga patimpalak tulad ng Sayaw Cabanatuan, Drum and Lyre Competition, Drag Queen Cabanatuan, Ginoong Tricycle Driver, Binibining Cabanatuan, at ang Banatu Music Fest. 

Ilan pa rito ang programa para sa mga guro, ang Community Night, Employees Night, ang pagbabalik ng Zarzuela Competition para sa mga mag-aaral sa siyudad, Gawad Parangal para sa mga natatanging anak ng Cabanatuan at marami pang iba. 

Maliban sa mga aktibidad na ito ay ang patuloy na pagbibida ng mga ipinagmamalaking produkto na gawa at mabibili sa lungsod tulad ng Longganisa Cabanatuan, iba’t ibang uri ng kakanin o kalamay, at iba pa sa bubuksang trade fair.  

Pahayag ni Yambot, napakaraming dapat na ipagmalaki at maipakilala dito sa lungsod ng Cabanatuan pagdating sa turismo, dahil maliban sa mga dinarayong produkto ay mayaman ang siyudad sa kasaysayan. 

“Dapat pa rin na ipaalala sa mga taga-Cabanatuan at sa mga bumibisita dito na bukod sa mga ipinagmamalaki nating produkto ay kabilang din dapat sa ating ipagmalaki ang kasaysayan na naghubog sa atin kung sino tayo ngayon, kung saan nakilala ang Cabanatuan, at kung saan na tayo nakarating ngayong sa kasalukuyan,” sinabi ni Yambot. 

Aniya, isa sa mga kinikilalang alamat na pinagmulan ng Cabanatuan ay ang salitang Banatu, na isang uri ng baging na noo’y maraming matatagpuan sa siyudad, na sumisimbolo sa katatagan ng mga mamamayan ng lungsod.  

Kaugnay nito ay patuloy na inaanyayahan ng pamahalaang lungsod ang publiko na pasyalan at makiisa sa mga inihandang programa ngayong taon na may temang “Bayang Pinatatag at Pinaunlad, Patuloy ang Pagsulong.”

Taong 2015 nang magsimulang ipagdiwang ang Banatu Festival upang ipaalala at itampok ang makulay at mayamang kasaysayan, kultura, talento, kagandahan at pagkamalikhain ng mga mamamayan ng siyudad. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews