Barangay Captain dinedo, isa pa sugatan sa Bulacan

Patay ang isang incumbent Barangay Captain sa bayan ng San Ildefonso matapos pagbabarilin ng dalawang armadong riding in tandem sa harap ng isang tindahan samantalang sugatan naman ang isang tambay nang tamaan ng stray bullet kahapon (Martes) ng umaga.

Kinilala ni PLt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng San Ildefonso Police Station ang biktima na si Felimon Lazaro Evangelista, 52, may-asawa, kasalukuyang Barangay Captain ng Barangay Malipampang ng nasabing bayan habang nakilala naman ang sugatan na si Richard Del Rosario residente ng Barangay Pala-pala.

Base sa panimulang imbestigasyon, naganap ang pamamaril bandang alas-7:00 ng umaga habang ang biktima ay nakaupo at nagkakape sa harap ng isang tindahan ilang metro ang layo sa bahay nito.

Nabatid na habang nasa tindahan bago pa man maubos ang kape nito ay isang riding in tandem ang huminto sa harap ng biktima kung saan bumunot ang mga ito ng .45 caliber at walang awang pinaputukan si kapitan ng maraming beses.

Tinamaan naman ang bystander na si Del Rosario na nagtamo ng tama ng bala sa tagiliran at kasalukuyan nilalapatan ng lunas sa Galvez Hospital.

Nagtamo ng multiple gunshot wounds ang biktima na siya nito agad na ikinamatay habang ang mga suspek ay mabilis na nagsitakas papuntang bayan ng San Rafael.

Ayon kay Rivera, kasalukuyan pang iniimbistigahan at inaalam ang motibo sa naturang krimen at nagsagawa na rin sila ng manhunt operation laban sa mga suspek.

Kinondena naman ni Mayor Carla Galvez ang pagpaslang kay Kapitan Evangelista na aniyay isang mabait at matapat na serbisyo publiko sa loob ng maraming taon.

Ayon sa alkalde, gagawin nila ang lahat para mabigyan ng katarungan ang pamamaslang kay Evangelista na isang haligi na malaki ang naiambag sa kaunlaran di lamang sa kaniyang barangay kundi maging sa bayan ng San Ildefonso.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews