Barangay Pacar sa bayan ng Orani, balik total lockdown

ORANI, Bataan — Binalik ni Orani Mayor Efren Dominic Pascual Jr. sa total lockdown ang Barangay Pacar ngayong araw matapos muling dumami ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bayan.

Nasa 23 ang bagong kumpirmadong kaso ang naitala ng Bataan Provincial Health Office sa buong lalawigan kaninang alas-dos ng umaga kung saan 13 ay mula sa Orani.

Ayon kay Pascual, isang komprehensibong contact tracing ang isasagawa ng mga health personnel sa pangunguna ng Municipal Health Office sa mga posibleng nakasalamuha ng mga bagong nagpositibong residente upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Aniya, lahat ng mga bagong nagpositibo ay nadala na sa hospital upang imonitor at magpagaling. Hindi pa tukoy kung hanggang kailan magtatagal ang nasabing lockdown.

Matatandaang unang isinailamalim sa total lockdown ang naturang barangay nitong Huwebes matapos walo ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bayan.

Nag-ugat ang biglaang pagtaas ng kaso nang makasalamuha ng isang nagpositibong health worker ang mga residente sa lugar. Inalis naman sa total lockdown ang barangay nitong Lunes.

Ngunit kahit na tinanggal sa pagkaka-lockdown ang barangay, sinigurado ng alkalde na nakabantay-sarado nitong nagdaang araw ang mga kabahayan na dumaan sa swab testing.

Muling hiniling ni Pascual ang pakikiisa at pakikipagtulungan ng kanyang nasasakupan at pinaalalahanan sila na patuloy na sundin ang mga health protocols tulad ng paghuhugas ng mga kamay gamit ang sabon, pagsusuot ng face mask, paggamit ng alcohol o santizers, pag-oobserba ng social distancing at pagpapalakas ng kanilang immune system.

Sa kasalukuyan, nasa 24 ang aktibong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Orani mula sa kabuuan nitong 37 na kaso na naitala sa bayan. Sa bilang na ito, 12 ang naka-recover, samantalang isa naman ang pumanaw na.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews