Basilica ng Malolos, inendorso ng DOT para sa Faith-based Tourism

LUNGSOD NG MALOLOS — Hinihikayat ng Department of Tourism o DOT ang mga mananampalatayang Katoliko na bisitahin ang Basilica ng Immaculada Concepcion sa lungsod ng Malolos ngayong Semana Santa.

Bahagi ito ng pagsusulong sa ahensya na lalong palakasin ang Faith-based Tourism sa Bulacan na nagtatampok sa iba pang mga makakasaysayang simbahan maliban sa Barasoain.

Sa pagbisita ni DOT Assistant Secretary Maria Lourdes Japson sa naturang basilica, sinabi niyang bukod sa pagiging napakasagrado ng mga simbahan ay hitik din ito sa naging papel sa kasaysayan ng bansa.

Nagsilbing tirahan ni Heneral Emilio Aguinaldo ang basilica matapos pasinayaan ang Unang Republika noong Enero 23, 1899.

Nito lamang 2017 ay ipinagdiwang nito ang ika-200 anibersaryo kung saan nagkaroon ng pagsasaayos.

Kabilang na rito ang paglalagay ng malaki at marangyang Aranya sa sentrong dome na nasa harapan ng retablo kung saan nakatayo ang higanteng imahe ng Immaculada Concepcion mula pa noong 1920s.

Ayon kay Padre Domingo Salonga, kura-paroko, hindi lamang basta-basta inilagay ang mga bagong disenyo kundi iniugnay sa doktrina ng Iglesia Katolika Apostolika Romana.

Mula sa mga bagong lagay na pinta sa loob ng hugis medalyo sa kisame ng basilica, itinampok ang mga pangunahing detalye sa buhay ni Birheng Maria.

Ipinosisyon din ang mga pinta na magkakasunod na inilagay papunta sa Retablo o ang pangunahing altar ng Basilica.

Nilagyan din ng palamuting ginto ang 16 na malalaking bintana na sinabayan ng pagpipintura ng mga pader at kisame na huling napinturahan noong 2012 sa pagdiriwang ng Ika-50 Taon ng Diyosesis ng Malolos.

Samantala, ang kisame ay nilagyan ng mga pinintang larawan na halaw sa piling mga misteryo ng Rosaryo.

Iba pa rito ang pagpapalit ng mga bumbilyang LED o light emitting diode na nagpalutang sa lalong mataas na klaseng ganda ng loob nito.

Nitong nakaraang Linggo ng Palaspas, pormal nang sinindihan ang pailaw na disenyong Palaspas. (SFV/PIA-3/BULACAN)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews