LUNGSOD NG BALANGA — Hinikayat ni Bataan Governor Albert Raymond Garcia ang kanyang mga nasasakupan na iwasan ang malalaking pagtitipon sa kabila ng mga pinaluwag na community quarantine measures sa lalawigan.
Sa isang pahayag, binigyang-linaw ni Garcia ang isang pangyayari nitong Martes, kung saan 16 sa 29 na bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa lalawigan ay dumalo sa isang worship service.
Ani ni Garcia, ang naging pagtitipon ay naganap noong ika-19 ng Hulyo sa isang hotel sa lungsod ng Balanga.
Matapos ang pangyayaring iyon, agad nagsagawa ng contact tracing at swabbing sa mga dumalo sa nasabing worship service pati na sa kanilang mga kaanak na pansamantalang naka-isolate sa kani-kanilang tahanan.
Giit niya, naiwasan sana ang local transmission kung naging mas maingat at mas nangibabaw ang pagiging responsable ng mga residente.
Pakiusap ni Garcia, isabuhay ng lahat ang mga health at safety protocols dahil aniya, ang pagsunod sa mga ito ay para sa kaligtasan ng bawat isa, ng pamilya, mga mahal sa buhay, kaibigan, katrabaho, at sinumang makakasalamuha.
Hinimok niya ang bawat Bataeño na gawing online ang maramihang pagtitipon maging ang mga relihiyosong aktibidad o kaya naman ay sa bahay na lang muna gawin ang mga taimtim na pagdarasal upang maiwasan ang naunang insidente.
Dagdag pa niya na sa pagsunod sa mga tagublin, maipapakita ang malasakit sa mga frontliners at healthcare workers na siyang mga nagbubuwis ng buhay upang pangalagaan ang lahat mula sa sakit.
Pinapaalalahanan din ang lahat na iwasan ang pagdalo o paglahok sa birthday parties, kasal, lamay, o anumang matataong pagtitipon.
Batid ng pamahalaang panlalawigan ang kooperasyon ng bawat isa upang tuluyang masugpo ang tumataas na bilang ng mga residenteng nagpopositibo sa COVID-19.
Matatandaang sumailalalim sa Modified General Community Quarantine ang Bataan nitong unang araw ng Hulyo kung saan batay sa protocols, pinahihintulutan na ang 50 porsyento ng kapasidad ng isang pagtitipon ngunit kaakibat pa rin ang ilang mahigpit na protocols tulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, at iba pa.