Bataan Gob sa Araw ng Kalayaan: Walang maiiwan sa gitna ng pagsubok

LUNGSOD NG BALANGA — Iginiit ni Bataan Governor Albert Raymond Garcia na walang maiiwan sa gitna ng pagsubok sa pandemya ng coronavirus disease o COVID-19.

Sa kanyang mensahe kaugnay ng selebrasyon ng ika-122 anibersaryo ng deklarasyon ng Kalayaan ng bansa, binigyang-diin niya ang disiplina at kooperasyon ng bawat Bataeño sa nagdaang Enhanced Community Quarantine o ECQ at Modified ECQ na nakatulong upang mapanatiling “under control” ang paglaganap ng virus sa lalawigan.

Bukod dito, mababa aniya ang bilang ng mga namatay nang dahil sa virus na kung saan nasa 10 ang naitala sa Bataan sa kasalukuyan.

Maigting pa ring pinapaalalahanan ni Garcia ang publiko na hindi pa tapos ang laban sa COVID-19 hanggang wala pang bakuna kaya’t patuloy niyang pinapayuhan ang bawat isa na maging maingat, alisto at handang umangkop sa pabago-bagong sitwasyon.

Aniya, nakatutok ang pamahalaan sa pangangalaga ng kalusugan at kapakanan ng lahat dahil sa patuloy na pagpapatupad ng programa kontra COVID-19 tulad ng kabubukas lamang na testing laboratory sa lalawigan, pagbuo ng mga grupo para sa  pagtukoy sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibong pasyente, pagsubaybay sa buong lugar gamit ang makabagong teknolohiya, at iba pa.

Sinisigurado naman niya na ang mga Overseas Filipino Workers maging ang mga locally stranded individuals ay napagtutuunan ng pansin at naihahatid ng mga kawani ng Metro Bataan Development Authority sa kani-kanilang tahanan o isolation centers. 

Sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya sa bansa, bumuo ng Contact Center ang Public Employment Services Office upang matugunan ang mga nawalan o naghahanap ng trabaho, at mayroon ding hotjobsbataan.com, isang online job searching and matching platform, na maaring gamitin ng mga employers o manggagawa upang mapalawak ang paghahanapbuhay sa Bataan.

Higit sa lahat, binigyang-pugay din ng gobernador ang malaking kontribusyon ng mga frontliners na nagsisilbing bagong bayani ng kasalukuyang henerasyon sa giyera laban sa kinahaharap na krisis.

Ayon sa kanya, lubos ang pag-alalay ang binibigay ng pamahalaang panlalawigan sa bawat fronliners upang siguraduhin ang kanilang seguridad at kaligtasan. 

Ilan sa mga naging suporta na patuloy na ibinibigay ay ang paglaan ng 20,000 na personal protective equipment, pag-aabot ng nasa 3,600 food packs kada araw, pagbukas ng anim na hotels para magsilbing pansamantalang tuluyan ng 282 na health workers, at pagbibigay ng libreng transportasyon papunta at paalis sa kanilang pinapasukang ospital.

Dagdag pa ni Garcia, maigting ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, pribadong sektor, pribadong samahan at ng sektor sa relihiyon upang masigurado na natutugunan ang pangangailangan ng mga kapus-palad na mamamayan.

Bukod sa ayuda sa ilalim Social Amelioration Program ng pamahalaang nasyonal, patuloy na nakaalalay ang pamahalaang lokal sa pamamagitan ng Kusina sa Barangay at mga donasyon sa ibat-ibang sektor para siguraduhin na naabutan ng pagkain at tulong ang mga kabahayaan sa 11 na bayan at nag-iisang lungsod sa Bataan.

Batid ni Garcia, marami pang kailangang gawin upang mas maging maginhawa ang transisyon patungo sa “new normal” kaya patuloy ang paghingi niya ng ibayong  pag-unawa mula sa bawat isa.

Paliwanag niya, araw-araw nilang tinitimbang kung anong mga hakbang o patakaran ang maaaring isulong upang paluwagin ang mga hadlang sa ilalim ng quarantine, habang isina-alang-alang ang kaligtastan ng nakararaming Bataeño. (

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews