Pormal nang binuksan ang 1Bataan Mega Quarantine and Isolation Facility na matatagpuan sa bayan ng Orani, Bataan nitong Biernes.
Ang 300-bed capacity, apat na palapag na pasilidad ay para sa mamamayan ng lalawigan na kinakailangang i-isolate o i-quarantine dahil sa Covid-19.
Ayon kay Bataan Governor Albert Garcia, ang unang palapag ay magsisilbing receiving area habang ang ikalawa at ikatlo ay para sa mga naghihintay ng resulta ng kanilang swab test at ang ika-apat ay ilalaan sa mga magpopositibo sa naturang sakit.
Inilahad naman ni Bataan 2nd District Representative Jose Enrique Garcia III na inihahanda na rin ang customized shuttle bus na maghahatid sa mga pasyente sa loob at labas ng pasilidad.
Umabot na sa 3,621 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan batay sa ulat ng Provincial Health Office as of December 20. Sa numerong ito, 3,392 na ang gumaling habang 78 ang nasawi.