PILAR, Bataan – Kasabay ng Heart Month Celebration ay itinanghal ang Bayan ng Pilar, Bataan, sa pamumuno ni Mayor Carlos “Charlie” Pizarro, Jr., bilang “1st CPR-Ready Municipality in the Philippines.”
Ayon kay Maricel Aquino, hepe ng Pilar MDRRMO, matagumpay nilang naibaba hanggang sa household level ang kaalaman sa isinagawang municipal-wide hands-only CPR awareness campaign, ang “Save a Life, Learn a CPR.”
Ang hands-only CPR (Cardio-Pulmonary Resuscitation) ay isang makabagong paraan ng life-saving technique gamit ang tamang pamamaraan ng compressions na madaling matutunan at isagawa ng kahit sino lalo na sa mga emergency situations habang hinihintay ang medics o rescue teams.
Ang naturang parangal sa bayan ng Pilar ay bahagi ng flagship projects ng Philippine Heart Association: ang CPR-Ready Philippines at ang 5-2-1-0-0 Lifestyle Advocacy.
Limang Automated External Defibrillator (AED) ang binili ng LGU Pilar para magamit ng mga health offices sa 19 barangay ng bayan habang limang CPR dummies naman ang ibinigay ng PHA sa LGU Pilar.
Samantala, binigyan diin din sa naturang event ang 52100 Lifestyle: 5 servings fresh na gulay at prutas; 2 oras lamang kada araw ng screen time (paggamit ng mobile phones, computers or smart TVs); 2 gramo lamang ng asin kada araw; 1 oras na ehersisyo araw araw; (magsuot ng sneakers o rubber shoes at least once a week, maglakad araw araw); 0-calories/ sugar drinks at 0-smoking.