Bayan ng Pilar sa Bataan, wala nang aktibong kaso ng COVID-19

PILAR, Bataan — Wala nang aktibong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 ang bayan ng Pilar sa Bataan matapos maka-recover ang lahat ng naitalang 12 pasyente sa bayan.

Sa pahayag ni Mayor Charlie Pizarro, ang dalawang natitirang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay naka-recover na ngayong araw matapos makapagtala ng unang kaso ang Pilar noong ika-17 ng Abril.

Sa kabila nito, maigting pa ring pinapayuhan ng alkalde ang kanyang nasasakupan na patuloy na makiisa at sumunod sa lahat ng mga pinatutupad na mga alituntunin ng pamahalaang bayan.

Paglilinaw ni Pizarro, ang lahat ay pinapaalalahanan na manatili sa kani-kanilang bahay at maging maingat upang makaiwas sa pangamba na dulot ng sakit.

Patuloy pa rin ang pagbabantay ng COVID-19 Municipal Inter-Agency Task Force kasama ang mga Barangay Health Emergency Response Teams o BHERTs sa mga posibleng maging banta sa kalusugan ng mga residente.

Sa huling ulat ng Provincial Health Office ngayong araw, umabot na sa 134 ang mga naka-recover mula sa kabuang 150 na naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan. Walo naman ang bilang ng mga pumanaw na.

Ayon kay Governor Albert Ramond Garcia, hindi maaring ideklarang COVID-free ang mga lugar sa lalawigan kahit na naka-recover na ang lahat ng mga naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ng isang bayan.

Nilinaw ni Garcia na ang matatawag lamang na COVID-free ay ang mga lugar na walang naitalang kahit isang kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng contact tracing at pagbabantay sa mga naitalang Probable at Suspect kaso sa buong lalawigan. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews