LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pinarangalan muli ang Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI bilang Most Outstanding Chamber of Commerce in the Philippines at sa North Luzon Provincial Level 1 sa ginanap na 45th Philippine Business Conference.
Tinanggap ni BCCI President Cristina Tuzon ang nasabing mga parangal na iniabot mismo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Ayon kay Tuzon, dati na ring napaparangalan ang BCCI bilang Most Outstanding Chamber of the Philippines noong 2002 at 2016.
Patuloy aniya na nagiging produktibo ang BCCI sa nakalipas na 31 taong upang lalong makapag-ambag na maging business-friendly ang Bulacan.
Pinarangalan ang BCCI para sa naging kontribusyon nito sa pagbalangkas sa noo’y panukalang batas at ngayo’y Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Kinilala rin ang inisyatibo ng BCCI na ilunsad ang Invest Bulacan 2018 na nagresulta sa 92 bilyong pisong bagong pamumuhunan sa lalawigan at nakapagrehistro ng mahigit 31 libong micro, small and medium enterprises.
Kabilang naman sa mga kampanya ng BCCI upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan at mapalakas pa ang kalakalan ang taunang pagdaraos ng Bulacan Food Fair and at ng Bulacan Builders Expo. (CLJD/SFV-PIA 3)