Benepisyo ng kooperasyong US-Japan-Pilipinas natamo

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (gitna) ang pag-aalay ng bulaklak sa altar ng Dambana ng Kagitingan sa Mt. Samat, Pilar, Bataan bilang paggunita sa Ika-83 Taong Anibersaryo ng Araw ng Kagitingan. Sinamahan siya nina  Embassy of the United States of America Deputy Chief of Mission Robert Ewing (kaliwa) at Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya (kanan) na kapwa nag-ulat ng mga naging positibong resulta ng pakikipagkaibigan ng kanilang mga bansa sa Pilipinas. (PCO)

PILAR, Bataan – Hitik sa matatagumpay na resulta ang natamo ng Pilipinas sa pakikipag-alyansa nito sa dating kalaban na Japan, at pagpapaigting pa ng pakikipagkaibigan sa Estados Unidos. 

Iyan ang iniulat ng mga kinatawan ng nasabing mga bansa sa paggunita sa Ika-83 Taong Anibersaryo ng Araw ng Kagitingan na taunang ginaganap sa Dambana ng Kagitingan sa Mt. Samat, Pilar, Bataan.

Makalipas ng 83 taon, ang Japan ay isang masugid at maasahang katuwang ng Pilipinas sa lalong kaunlaran at seguridad. 

Muling tiniyak ni Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya ang pagtupad nito sa Trilateral Agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos. 

Nakatuntong aniya ang alyansang ito sa pagiging lalong matalik na pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan ngayong magdiriwang ng Ika-70 Taong Anibersaryo ng Diplomatikong Relasyon ang dalawang bansa sa 2026. 

Binigyang diin ni Endo na mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa nakalipas na 80 taon, sinunod ng Japan ang panata nito para sa kapayapaan at hindi na lilikha o gagawa ng anumang digmaan. 

Patunay aniya rito ang pagkakaroon ng malaking papel ng Japan para sa isang “Free and Open International Order”.

Isang malaking halimbawa rito ayon sa embahador ang ratipikasyon ng Reciprocal Access Agreement ng Pilipinas at Japan na isang bersiyon ng military at defense cooperation. 

Bago nito, nauna nang nagkaroon ng resulta ang Strategic Partnership Agreement ng dalawang bansa kung saan nakumpleto na ang paglalagak ng mga Air SurveillanceRadar System sa mga istratehikong bahagi ng Pilipinas. 

Gayundin paggawa ng mga multirole response vessel para sa Philippines Coast Guard sa pamamagitan Official Development Assistance (ODA).

Nananatiling ang Japan ang may pinakamalaking pinagkukuhanan ng ODA ng Pilipinas na iginugugol para sa pagpapatayo ng mga malalaking imprastraktura tulad ng 147-kilometrong North-South Commuter Railway System at ang Metro Manila Subway Project.

Kinilala rin ni Endo ang matagumpay na proyektong 94-kilometerong Subic-Clark-Tarlac Expressway, na pinondohan din ng ODA ng Japan, dahil sa kontribusyon nito na mapaunlad ang Gitnang Luzon bilang bagong logistics hub. 

Samantala, ipinaalala ni Embassy of the United States of America Deputy Chief of Mission Robert Ewing na hindi nakakalimot ang kanyang bansa sa “Ironclad” commitment nito upang ipagtanggol ang Pilipinas na mapangalagaan ang soberenya nito. 

Panata na aniya ito ng Amerika sa loob ng 365 na araw kada taon, kaya’t magpapatuloy ang pagsasagawa ng mga Balikatan Exercises upang isulong ang interoperability at kahandaan ng dalawang sandatahang lakas.  

Patunay dito ang nagaganap ngayong Cope Thunder Philippines sa pagitan ng Philippine Air Force at ng United States Pacific Air Force, sa mga pangunahing lugar sa Luzon tulad Clark Air Base at Basa Air Base sa Pampanga, at sa Col. Ernesto Ravina Air Base sa Tarlac. 

Bukod sa pagtulong na padepensahan ang soberanya ng Pilipinas, tutulong din ang Estados Unidos sa paglaban sa iba’t ibang uri ng cybercrime at maipatupad ang mga bagong economic partnership sa larangan ng energy at infrastructure development. 

Kasalukuyan nang sinisimulan ang pagpapatupad sa 123 Agreement o ang Civil Nuclear Cooperation Agreement, kung saan tutulong ang mga kumpanya mula Amerika sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng mga planong Modular Nuclear Power Plant sa Pilipinas. 

Nagsisimula na ring makahikayat ng mga mamumuhunan ang umiiral na Trilateral Agreement sa pagitan ng Pilipinas, Japan at Estados Unidos para sa katuparan ng isang Luzon Economic Corridor. 

Pangunahing proyekto nito ang pagpopondo at pagpapatayo sa isang freight railways system na babaybay mula Subic, Clark, Metro Manila at Batangas. 

Ginawang flagship ng Amerika at Japan ang Pilipinas sa pagpopondo ng mga ganitong uri ng proyekto sa ilalim ng G7 Partnership for Global Infrastructure and Investment.

Itinakda ng naturang mga bansa na ang pinakalundo ng pakikipag-alyansa sa isa’t isa ay ang pagtitiyak na maging permanente ang kapayapaan sa sangkatauhan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bataan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews