Benepisyo ng Rice Trade Liberalization Law, ipinaliwanag ng DA

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Ipinaliwanag nitong Martes ng Department of Agriculture o DA ang mga benepisyo ng Republic Act 11203 o Rice Trade Liberalization Law.

Sa kanyang presentasyon sa unang leg ng Dagyaw 2019: Open Government and Participatory Governance Regional Dialogues na idinaos sa Bren Z. Guiao Convention Center sa lungsod ng San Fernando, sinabi ni DA Undersecretary for Operations Ariel Cayanan na hangarin ng ahensya na umunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka mula sa pagsusulong ng iba’t ibang programa at mga batas.

Paliwanag ni Cayanan, ang lahat ng mga agricultural product maliban sa bigas ay naging liberalisado o nagsimulang iangkat sa bansa nuon pang 1995, ilang dekada na ang nakalilipas.

Ngunit, Hulyo ng taong 2017 ay nag-expire ang quantitative import restriction order na pumipigil sa pagpasok ng maraming bigas galing sa ibang bansa na dapat ng sundin ng Pilipinas batay sa itinatakda ng World Trade Organization.

Ayon kay Cayanan, inatasan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang mga mambabatas na makabuo ng batas upang proteksyunan ang mga lokal na magsasaka sa pagbubukas ng merkado kung kaya’t nabuo ang Republic Act 11203.

Kabilang sa mga nakapaloob sa batas ay ang pagsingil ng taripa sa lahat ng mga mag-iimport ng bigas na ilalaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF bilang tugon sa mga pangangailangang makinarya, kasanayan at tulong pinansiyal ng mga magsasaka.

Kada taon sa loob ng anim na taon ay mayroong inisyal na sampung bilyong 

pisong pondong nakapaloob sa RCEF na ang pinakamalaki o 50 porsyento ay mapupunta sa mekanisasyon dahil marami aniya ang nasasayang na aning palay o produkto sa pagsasaka dahil sa kakulangan sa makinarya. 

30 porsyento naman ang mapupunta sa pamamahagi ng mga binhi at tig- 10 porsyento para sa tulong pinansyal at patuloy na pagtuturo ng mga kasanayan sa mga magsasaka. 

Aniya, karaniwang suliranin ng mga nagsasaka ay ang kakulangan ng pondo at mahirap na proseso ng pag-aapply sa mga pautang kung kaya’t gagawin na lamang simple ang pagkuha ng mga tulong pinansiyal para sa mga magsasaka. 

Pahayag pa ni Cayanan, mahalaga din ang pagtuturo ng mga makabagong kasanayan sa mga magsasaka dahil kung ibigay man lahat ng makinarya, kagamitan at pinansiyal kung hindi magagamit ng wasto ay mababalewala ang lahat ng mga programa ng gobyerno.

Dito ay magtutulungan ang Agricultural Training Institute, Technical Education Skills and Development Authority at mga extension farm workers mula sa mga lokalidad. 

Paglilinaw ni Cayanan, hindi mawawala ang mga regular na programa ng DA gaya ng Farm-to-Market Road, Solar-Powered Irrigation System, Production and Postharvest Facilities, Logistic and Transport Facilities, at Easy Access Credit and Insurance. 

Samantala, bago matapos ang programa ay nagkaroon ng pagkakataon ang ilan sa mga lumahok na makapagtanong hinggil sa mga karanasan sa pagsasaka katulad ang naging suhestiyon ng isang magsasaka mula sa Pampanga na magkaroon ng sentrong pamilihan ng palay.

Sagot ni Cayanan ay maaaring ipagbili ang mga produktong bigas sa National Food Authority ngunit mayroon lamang kondisyon sa moisture content ng palay na ngayon ay matutugunan na dahil kabilang sa mga ipamamahagi sa mga kooperatiba ang mga drying facility upang mapaganda ang uri ng aning bigas. 

Layunin ng Dagyaw 2019 na maging daan ng sinserong dayalogo sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga mamamayan upang tumanggap ng mga suhestiyon at sumagot sa mga pangangailangang impormasyon ng taumbayan.

Ito ay inorganisa ng Department of the Interior and Local Government, Department of Budget and Management at Presidential Communications Operations Office. 

Bukod sa Rice Trade Liberalization Law, naging paksa din sa unang leg ng Dagyaw ang Universal Healthcare Act at Build Build Build Infrastructure Program. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews