Simula ngayon, ika-17 ng Abril, sa ganap na alas sais ng umaga, ang Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC) ay itinalaga na bilang exclusive facility sa lahat ng mga kasong-COVID.
Ang nasabing hakbang na napagkasunduan sa pinakahuling pulong ng Bataan Inter-Agency Task Force on COVID-19 ay naglalayong agarang masugpo ang mabilis na pagkalat ng Coronavirus sa BGHMC na sa kasalukuyan ay nakaapekto na sa 29 na health workers na kinabibilangan ng mga doktor, nurses at nursing attendants.
Ayon kay Bataan Governor Abet Garcia, ang hakbanging ito ay naglalayon din na mas mapangalagaan ang kapakanan ng lahat ng mga pasyente sa BGHMC, pati na ang kanilang mga pamilya.
Ayon sa latest report ng Bataan PHO (as of April 16, 2020), nakapagrehistro ng 14 na mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 na pawang mga health workers ng BGHMC sa lalawigan ng Bataan kung kaya’t ang pangkalahatang bilang sa ngayon ay pumalo na sa 56; labin-lima dito ay nana-recover na at tatlo ang pumanaw na.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang contact-tracing, swabbing at pag-iimbestiga upang matukoy ang mga taong nagkaroon ng direct contact sa mga health workers na nagpositibo sa COVID-19. Lahat ng mga empleyadong may ipinakikitang sintomas ay naka admit na sa BGH, samantalang ang mga walang ipinakikitang sintomas subalit nagkaroon ng direct contact sa nagpositibo ay naka-quarantine na sa Bataan People’s Center.
Dagdag pa ni Governor Garcia, ang La Vista Resort ay ginawa na ring quarantine facility para sa mga nag-negatibo na at patuloy na pumapasok pa sa BGHMC.
Siniguro naman ni Dr. Ria Baltazar, hepe ng BGHMC, na may sapat na manpower ang BGHMC sa kabila nang pagtaas ng bilang ng mga health workers na nagpositibo.
“Mayroon pa tayong mahigit sa 200 mga doktor at nurses at iba pang kawani na walang direct contact at mga nagnegatibo sa test kaya’t sila ay patuloy na nagsisilbi at gumagamot sa mga maysakit sa BGHMC.”
Ipinaliwanag ni Dr. Baltazar na matatag ang paniniwala ng mga doktor ng BGHMC na malalabanan ang pandemyang ito dahil mataas ang batting average ng hospital sa larangan ng mga recovered patients.
“Labingtatlo po sa labinlimang recoveries sa Bataan ay sa BGHMC ginamot,” dagdag pa ni Dr. Baltazar.
Sa panahon ng BGHMC lockdown, narito ang mga alituntunin:
1. Ang BGHMC ay magiging eksklusibo para sa mga COVID cases na lamang; kasama dito ang mga suspect at probable with moderate to severe symptoms
2. Ang lahat ng mga non-COVID patients ng BGHMC na nangangailangan nang madaliang lunas o emergency cases ay maaaring magpunta sa Centro Medico de Santissimo Rosario na tumatayong partner hospital ng BGHMC sa panahon ng krisis na ito. Maaari din silang magpunta sa mga sumusunod na district hospitals na malapit sa kanilang lugar: Dinalupihan District Hospital, Orani District Hospital at Bagac Community and Medicare Hospital.
3. Ang Centro Medico din ang pansamantalang mangangalaga sa mga buntis na maaaring magluwal sa pamamagitan ng Normal Spontaneous Delivery or Cesarian Section na pasyente ng BGH at iba pang buntis na pasyente. Ngunit ang imminent delivery o “emergency cases” ay maaari pa ring paanakin na sa BGHMC kapag inabutan na ng oras ng panganganak.
4. Bibigyan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rapid Test Kits ang Centro Medico upang madaling matukoy kung ang mga papasok na pasyente sa kanilang ospital ay may COVID, sakaling wala sa listahan ng probable or suspect ang pasyente.
5. Ang Provincial Health Office (PHO) at Balanga City Health Office (CHO) naman ang naatasang gumamot sa mga pasyenteng nakagat ng hayop, pati na ang apat na district hospitals sa buong lalawigan: Orani District Hospital, Dinalupihan District Hospital, Bagac Community and Medicare Hospital, at Mariveles District Hospital.
6. Ang BGHMC ay naglunsad ng “Teleconsultation” mula pa noong ika- 6 ng Abril para sa mga mamamayang may karamdaman upang hindi na sila lumabas ng kanilang mga tahanan kung hindi naman na kinakailangan. Ito ay mula Lunes hanggang Biyernes mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Kaugnay ng mga kaganapang ito, nagkaroon ng kasunduan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan, Pamahalaang Panlungsod ng Balanga at Centro Medico para sa pagtanggap ng mga mahihirap na pasyente. May itatalagang kawani ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na syang gagawa ng kinakailangang pag-aaral kung ang pasyente ay indigent o hindi.
Ang gastos sa ospital ng mga pasyentemg ito ay sasagutin ng Pamahalaang Panlalawigan samantalang ang mga taga-Balanga ay sasagutin ng Pamahalaang Panlungsod ng Balanga.
“Patuloy po tayong manatili sa ating mga tahanan, palaging maghugas ng kamay at gawin ang social distancing kung kinakailangang lumabas ng tahanan. Ito pa rin ang pinakamabisang paraan ng pag-iwas sa COVID-19. Sa gitna ng mga nakalulungkot na kaganapang ito, matibay po ang aking paniniwala na sa ating pagkakaisa, pagtalima sa mga alituntunin ng ECQ, pag-uunawaan at pananalig sa ating Panginoon, sama-sama nating mapagtatagumpayan ang labang ito,” pahayag ni Gob. Garcia.