Bike friendly Pulilan-Baliwag Diversion Road bukas na

PULILAN, Bulacan — Pinasinayaan ni Public Works and Highways o DPWH Secretary Mark Villar ang 9.6 kilometrong Pulilan-Baliwag Diversion Road na kauna-unahang road network sa Bulacan na may inilaang bicycle at motorcycle lane.

Pabibilisin ng naturang 509.694 milyong pisong proyekto ang biyahe mula sa Pulilan Exit ng North Luzon Expressway hanggang sa Tarcan sa Baliwag.

Base sa datos ng DPWH Region 3, ang Pulilan-Baliwag Diversion Road ang pangatlong bagong road network sa Bulacan sa pagpasok ng ika-21 siglo.

Ang una ay ang 3rd Bulacan Circumferential Road na binuksan noong 2009 na sinundan ng Plaridel Arterial Road Bypass na unang pinasinayaan noong 2012.

Nakatakda namang matapos sa susunod na mga taon ang ginagawang San Miguel-Candaba Diversion Road at ang pagpapahaba ng Plaridel Arterial Road Bypass mula sa San Rafael hanggang San Miguel. 

Binigyang diin ni Villar na bahagi ito ng malawakang programang pang-imprastraktura ng administrasyong Duterte sa ilalim ng Build-Build-Build. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews